Tatlong lalaki ang magkakasunod na naaresto ng mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng hinihinalang ipinagbabawal na droga sa lungsod, Lunes ng gabi at Martes ng madaling araw.
Kinilala ni Richard Ligad, head ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ang naunang naaresto na si Mamerto San Juan Morales Jr, 32, residente ng Barangay San Manuel na nabilihan ng isang sachet na naglalaman ng shabu.
Matapos maaresto, naituro nito ang kanyang source na kinilalang si Mateo Samanal Condesa, 33, residente ng Wescom Road, Brgy. San Miguel na nabilhan ng isang sachet at nakuhanan pa ng dalawa.
Habang hawak ng mga awtoridad, naituro rin ni Condesa ang kaniyang pinagkukunan ng droga na nakilalang si Bernard Chua Uganiza, 27, residente of Zone 3, Bgy. Matahimik, na nakatransakyon din ng mga awtoridad at naaresto.
Ayon kay Ligad dati nang nasasangkot ang dalawang naunang nahuli sa pagbebenta ng droga habang si Uganiza ay noon lang na-identify.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng Puerto Princesa City Police Office at Police Station 1 ang mga supek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Nahuli ang mga suspek sa pagsasagawa at pagtutulungan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU), Anti-Crime Task Force (ACTF) at Police Station 1.