Tatlong kalalakihan ang inaresto ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Palawan sa buy-bust operation na isinagawa sa isang bahay na diumano ay ginagawang drug den sa Ligaya Street, Purok Pag-asa, Libis Road sa Barangay San Pedro, bandang 5:50 kahapon, Mayo 17.
Ang mga naaaresto ng PDEA, katuwang ang Police Station 1 (PS 1) at Drug Enforcement Unit (DEU) nito, ay kinilalang sina Homer P. Salarda, 42, at ang dalawa nitong kasama na sina Mark Anthony B. Olbes, 46, ng Brgy. San Manuel, at Ervin Mapalad Cacayan, 40, mula naman sa Brgy. Bancao-Bancao.
Una munang inaresto si Salarda sa bahay nito matapos na mabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang P2,200 sa loob mismo ng kuwarto. Dito din naabutan sina Olbes at Cacayan na sinasabing gumagamit pa ng droga.
Maliban sa isang sachet na nabili kay Salarda, nakuha din ang dalawang malalaking sachets at isang maliit na nakalagay sa itim na case ng sunglass. Mayroon din na dalawang plastic sachets na may residue o indikasyon na kagagamit lang.
Bukod sa mga ito, nakakuha din ng weighing scales, improvised water pipes, improvised plastic scooper, plastic sachets, isang rolyo ng aluminum foil, tatlong selpon, at iba pang drug paraphernalia. Nakuha din ang ginamit na buy-bust money.
Umamin si Salarda na pagmamay-ari nito ang mga nakuha sa kanya, maging ang kwarto na nakitaan ng mga ito na siya rin umanong ginagamit sa session ng mga bumibili sa kanya.
“Sa Liberty ko po yan nakuha, tapos binebenta ko po sa mga kaibigan lang,” pahayag ni Salarda.
Samantala, matagal na din na mino-monitor ng PDEA si Salarda at ang lugar. Maging ang mga katransaksyon ng suspek na lumalabas pasok sa kanyang bahay.
“Matagal na namin yan binabantayan, mapapansin mo yan may mga pumasok dito na mga motor, kotse, mag-aabutan lang yan tapos aalis na. Yong iba talaga dyan na gumagamit sa loob,” pahayag ng isang PDEA agent na hindi puwedeng pangalanan.
Sasampahan ang tatlo ng mga kasong paglabag sa Section 5 (pagbebenta), Section 6 (maintenance of a den), Section 7 (visiting the drug den), at Section 12 dahil sa mga nakitang drug paraphernalia sa ilalim ng Republic Act 9165. o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
