Tatlong bangkang pangisda na pag-aari ng Irma Fishing Company na may sakay na mahigit 50 katao ang nasabat ng Linapacan Municipal Police Station (MPS) na aktwal na nangingisda sa karagatang sakop ng Canaron Island, Barangay Nangalao sa bayan ng Linapacan, 4:30 ng madaling-araw ng Martes, May 11.
Kinilala ang mga kapitan ng bangkang Anita DJ, FV Chiqui, at FV Star Shine na sina Fidel Viana Tapales, Ernesto Savanillo at Benson Omana.
Ayon kay P/Lt. Alan delos Santos, nagsasagawa sila ng maritime patrol ng mapansin mula sa malayo ang malakas na ilaw ng mga bangka at agad nila itong nilapitan.
“Malayo pa lang kami, nakita na namin ang lakas ng liwanag. Paahon na sila ng lambat nila ng maabutan namin. Pero nang mapansin nila na pulis ang palapit binaba nila uli, kasi obvious na nangisda talaga sila sa tubig ng Linapacan, na alam naman nilang bawal,” pahayag ni delos Santos.
Ipinagbabawal ang pangingisda o pagpasok ng mga commercial fishing vessel sa mga karagatang sakop (municipal waters) ng mga munispyo sa lalawigan ng Palawan dahil nakalaan lamang ito sa mga residente ng bawat munisipyo.
Kung papayagan din daw ang mga malalaking pangisda sa lugar, mawawalan na ng makukuhang isda ang mga residente na hindi naman makalayo dahil sa maliliit na bangka ng mga ito.
“Ang malalaking mga commercial fishing boat na ‘yan, parang team yan sila kapag nangisda. Tatlong bangka, ang isa diyan ang may dalang ilaw, tapos ang iba ang maglalatag ng lambat na kilo-kilometro ang haba. Daang banyera ang nahuhuling isda ng mga yan, paano na ang mga maliliit na mga mangingisda?” paliwanag ni delos Santos.
Ayon pa sa kanya, nilabag ng mga ito ang Section 30 ng Article 5 o pagbabawal sa pagpasok ng mga commercial fishing boat sa municipal waters, at Section 31, o pagbabawal ng mga transient fishing boat na mangisda sa municipal waters ng Linapacan sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 2020-137, o regulating fisheries activities .
Nakatakda namang magbayad ng kaukulang multa sa bawat paglabag ang mga mangingisda ngayong at pagkatapos ay agad din silang pakakawalan.