Pansamantalang makikituloy muna ang pamilya Cayabo sa mga kaanak, matapos na masunog ang kanilang tinutuluyang bahay sa Villape Subdivision sa Libis Road, Barangay San Pedro, bandang alas syete kagabi, November 1.

Naiwang mag-isa si Willalyn Cayabo sa kanilang tindahan kasama ang maliit nitong anak nang makarinig ng pagsabog. Paglingon niya sa likurang bahagi ng tindahan, napansin niya ang maliit na apoy mula sa kanilang kwarto, na hindi nagawang apulahin dahil na rin sa pag-aalala nito sa anak na agad niyang binitbit palabas ng bahay.

“Kami lang kasi sa bahay. Umalis ang asawa ko para magsundo sa palengke. May narinig lang akong sumabog pero maliit lang din. Tapos nakita ko may apoy na doon banda sa kwarto namin. Kinuha ko na agad ang anak ko saka tumakbo na kami palabas,” ayon kay Cayabo.

Paglilinaw niya, walang nakasinding kandila, naka charge o nakasaksak na mga cellphone, o kung ano mang gadget, maliban na lamang sa kanilang refrigerator.

Samantala, sa ngayon ay hindi pa masabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa ang naging sanhi ng sunog.

“Sa ngayon wala pa tayong nakukuhang impormasyon maliban sa kwento ng may-ari na may sumabog na normal naman kapag may sunog,” pahayag ni Senior Fire officer 3 Mark Llacuna ng BFP Puerto Princesa.

“Pwedeng appliances o kahit anong source of ignition. Titingnan pa din natin ang posibilidad na kung may nagsindi ba ng kandila. Pero wala naman kaming nakita na sinadya ang sunog,” ayon pa sa kanya.

Bukod sa tindahan na pinagkakakitaan ng pamilya, kasamang natupok din ng apoy ang mga pera at mga alahas, na hindi pa matukoy ang kabuuang halaga.

Maliban sa bahay ng mga Cayabo, dalawang bahay pa ang nadamay sa sunog na tumagal ng 40 minuto matapos rumesponde ang mga bumbero bandang 7:05 kagabi.

About Post Author

Previous articleTD Queenie weakens into LPA, but will continue to dump rain to Visayas and Mindanao
Next articlePalawan escapes Paeng’s wrath with zero casualties
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.