Nagsagawa ng coastal cleanup ang mga operatiba ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) katuwang ang Adopt-A-Marine Protected Area (AMPA) guards, isang lokal na programa ng PNP Maritime Group sa Pambato Reef, sa baybayin ng Honda Bay sa Barangay Sta. Lourdes sa Puerto Princesa City, noong araw ng Sabado, Nobyembre 13.
Umabot sa anim na sako ng iba’t ibang uri ng basura gaya ng plastic, cellophane, at iba pang marine debris ang nakolekta ng grupo.
Ayon kay P/Lt. Anna Viola Abenojar, ang nasabing aktibidad ay bilang patuloy na suporta ng kanilang ahensya sa environmental conservation and protection sa Honda Bay upang mapanatili itong malinis at kaaya-aya sa mga turista at maging sa buong komunidad.
Dagdag niya, matagal nang tinututukan ng kanilang hanay ang pagpapanatiling malinis ng dalampasigan ng Honda Bay, kasama ang ilang non-government organization (NGO), mismong komunidad, at ang city government.
“If the water is clear of litter, fishers as well as tourist-oriented businesses like scuba diving tours are more likely to be able to make a solid living for themselves. Our coastal clean-up will help the local economy as the same time,” pahayag ni Abenojar, Lunes, Nobyembre 15.
Dagdag ni Abenojar, sa gitna ng pandemya, patuloy silang nagsasagawa ng mga ganitong klaseng aktibidad katuwang ang kanilang special operations unit sa mga munisipyo.
