Jul 14, 2020

275 establisyemento sa Palawan, naproseso na para sa CAMP

Ayon kay DOLE-Palawan Field Officer Luigi Evangelista, ang mga na-proseso nang mga aplikasyon na kompleto ang mga requirements ay naisumite na sa kanilang regional office.

Ayon kay DOLE-Palawan Field Officer Luigi Evangelista, patuloy pa rin ang pagdami ng mga establisyemento sa Palawan na nagpapadala ng aplikasyon para sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP). (Larawan mula kay DOLE-Palawan Field Officer Luigi Evangelista)

Umabot na sa 275 establisyemento sa Palawan ang na-proseso na ang mga aplikasyon para makatanggap ng tulong mula sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay DOLE-Palawan Field Officer Luigi Evangelista, ang mga na-proseso nang mga aplikasyon na kompleto ang mga requirements ay naisumite na sa kanilang regional office.

Dagdag pa ni Evangelista, may mga aprubado nang aplikasyon sa CAMP mula sa mga establisyemento sa Palawan ngunit hindi ito ma-withdraw ng mga benepisyaryo mula sa mga remittance center dahil sa may mga problema sa spelling ng pangalan o kaya ay may mali sa naibigay na mobile numbers.

Dahil dito, hinihikayat ni Evangelista ang mga nakatanggap na ng transaction codes ngunit hindi makuha ang pera na agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng email upang matugunan ang kanilang problema.

Patuloy pa rin aniyang dumadami ang nagpapadala ng mga aplikasyon sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng e-mail.

Ang 275 establisyementong nabanggit ay binubuo ng nasa 4,888 mga manggagawa.

Ang pagpapatupad ng CAMP ay alinsunod sa DOLE Department Order No. 209 Series of 2020 para sa mga apektadong manggagawa dahil sa Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Sa ilalim ng CAMP ang mga apektadong manggagawa sa pribadong sektor ay makakatanggap ng P5,000 na tulong pinansiyal mula sa DOLE sa pamamagitan ng pag-aplay ng mga employer ng mga ito sa nasabing ahensiya. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry