Pinasinayaan na ang diesel power plant sa bayan ng Balabac na inaasahang magsu-supply ng kuryente may 250 na mga bahay sa Barangay Bancalaan, kabilang na ang mga nasa dalawang maliit na komunidad ng Marabon at Matangule noong August 11.
Ang pagpapasinaya ng Bancalaan Diesel Power Plant (BDPP) ay pinangunahan ng National Power Corporation (NAPOCOR) at ng mga representante ng pamahalaang lalawigan sa ilalim ng Village Electrification Project, ayon sa punong barangay ng Bancalaan na si Roy Reyes sa kanyang Facebook post.
Aniya, matapos ang matagal na panahon, sa wakas ay matutupad na ang pangarap ng kanilang komunidad na magkaroon ng ilaw na makakatulong sa kanilang pag-unlad.
“Nagpapasalamat po kami sa NAPOCOR at sa kagustuhan ng provincial government na mabigyan kami ng village electrification project na ito. Magkakaroon na ng liwanag ang aming lugar,” sabi ni Reyes.
Ayon sa NAPOCOR, ang powerhouse ay orihinal na itinayo ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Energy Development Program (EDP) upang mas lalong mapabilis ang pagpapasigla ng kuryente sa mga island areas sa lalawigan.
Ang Bancalaan Diesel Power Plant-Village Electrification ay mayroong kapasidad na 100 KW at magdadagdag pa ng dalawang units ng 50 KW na generator sets,” ayon naman sa statement ng NAPOCOR noong August 17.
