- Advertisement by Google -

Proud na umakyat sa entablado si Saudden H-nol kasama ang kanyang mga magulang bilang isang Grade 10 completer ng junior high sa Calasaguen National High School sa Brooke’s Point sa edad na 21.

Kung sa marami ay kakaiba ang mararamdaman dahil magtatapos pa lamang sa nasabing edad, si Saudden ay damang-dama ang kasiyahan dahil sa kabila ng kapansanan, ay nagsumikap siya na magpatuloy sa pag-aaral sa junior high at maging completer noong June 27.

Sa kuwento ni Saudden, noong March 2016 ay naaksidente siya sakay ng motorsiklo na nangyari sa Aplian sa Calasaguen sa kanyang bayan sa Brooke’s Point. Bilang resulta, naapektuhan ang kanyang kanan na binti na kalaunan ay pinutol.

- Advertisement -

“Noong April 2016 ako pinutulan ng paa. Pumayag ako dahil sa infection, at sabi rin ng doktor na puputulin ang kanang binti ko dahil kung hindi ay maaaring oras na lang ang hihintayin at aking ikamamatay. Kaya nag-decide ako na magpaputol,” pahayag ni Saudden.

“Nakita ko na nahihirapan na ang aking mga magulang na makita ako sa aking kalagayan, kaya pumayag na po ako dahil mahal ko sila,” dagdag kuwento niya.

Aniya, sa kabila ng kanyang sitwasyon, desidido siyang tapusin ang kanyang pag-aaral kaya naghahanda na rin siya sa senior high school.

Pahayag ni Saudden, kahit may kapansanan na ngayon, hindi niya hahayaan na maging hadlang ito para sa katuparan ng kanyang mga pangarap.

“Kahit sa kabila ng aking sitwasyon, nagawa ko ang pangarap ko sa tulong ng aking mahal na mga magulang at pamilya na makapagtapos ng junior high sa kabila ng aking edad. Hindi po nila ako pinabayaan para makapagtapos sa Grade 10, dahil kahit ako ay may kapansanan ay nagsusumikap din upang makamit ang aking pangarap at makatulong sa magulang,” sabi niya.

Ibinabahagi ni Saudden ang kanyang kuwento dahil maaari itong kapulutan ng inspirasyon. Anumang edad, anumang kapansanan, hindi dapat matigil sa pag-aaral dahil mahalaga ang edukasyon.

Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinuman, lalo na’t mayroon ding pamilya na umaasa sa kanila, ayon pa sa kanya.

Bagama’t alam niya na ang gusto lamang ng mga magulang ay makapagtapos siya para sa kanyang sariling hinaharap, ibig pa rin niyang makatulong sa kanila.

“Hindi ako nawawalan ng pag-asa, hanggat kaya ko, kahit ganito ang sitwasyon ko ay pipiliin kong mag-aral. Paa lang ang nawala pero ang isip at puso ko ay nandito pa rin, sa panahon po ngayon, ang edukasyon ang aking puhunan,” dagdag niya.

Tatlong taong nahinto si Saudden sa kaniyang pag-aaral simula ng siya ay putulan ng paa at magpagaling. Grade 8 siya ng mahinto sa kaniyang pagaaral at noong 2019 siya bumalik ng pag-aaral.

Ngunit pinili ng paaralan na siya ay bibigyan lamang ng modules para hindi na ito pumunta sa eskwelahan hanggang siya ay makapagtapos ng Grade 10.

Kuwento pa niya, minsan ay siya lang rin ang kumukuha at naghahatid ng kaniyang modules sa loob ng tatlong taon, kasama ang kanyang anim na taon ng saklay.

“Minsan magulang ko ang kasama ko, pero kaya ko na rin talaga. Kaya ako na minsan ang kumukuha, sumasakay lang ako ng tricycle papunta sa school, dito lang din sa Calasaguen ang school namin, may kalayuan lang kunti,” sabi ni Saudden.

“Ang maii-share ko lang ay hindi hadlang ang pagiging hindi kompleto sa ating kinabukasan, basta may tiwala tayo sa ating sarili. Unang-una na po kay Allah, na ni minsan hindi niya ako pinabayaan at binitiwan, ganoon din sa aking mga magulang at mga kapatid,” dagdag niya pa.

Sa ngayon, balak ni Saudden na maipagpatuloy ang kaniyang Grade 11-12 Senior High School sa Pulot National High School (PNHS) sa munisipyo ng Sofronio Española at mag-enroll sa Information Communication Technology (ICT).

About Post Author

- Advertisement by Google -
Previous articleTruck na may kargang coco lumber, hinarang ng city mobile police sa Inagawan
Next articleSocrates appoints key PGP officials
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.