Wagi si 2006 world champion Ronnie  Alcano sa katunggali nitong “rising star” ng Palawan sa larangan ng billiard na si Aries Jake Aragon sa kanilang laban na pinamagatang “Challenge the Champion” billiard game na ginanap sa Octagon Town Plaza sa bayan na ito. 

Naghiyawan ang mga nanonood ng mala mahikang umikot ang cue ball ng tirahin ito ni  Alcano na tinaguring “the volcano” ng bansa.

Hindi rin nagpadaig si Aragon dahil nagpamalas ito ng magandang laban sa pantay na score na 21 vs 21 sa last round ng kanilang laro.

“Isang karangalan na makatunggali ang world champ ng billiard na si Ronnie Alcano sa bibihirang pagkakataon,” ayon kay Aragon.

Tinapos naman ni Alcano sa score na 22 vs 21 ang laro na nagpahiyaw pang lalo sa mga manunuod.

Samantala, pinuri naman ni Alcano si Aragon dahil mahusay umano ang estratihiya nito. Kinabahan umano siya, lalo na sa kanilang huling laban.

“Akala ko kapag nakalaban ko si rising star ay tira-tira lang, pero hindi pala dahil mahusay sya” ayon kay Ronnie Alcano.

Nagpasalamat din si Alcano sa mga supporter niya na patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan.

“Salamat sa mga naniniwala sa ating kakayahan, magpapatuloy po ako sa pagiinsayo para sakali mang magkaroon muli ng pagkakataon ay handa tayo,” dagdag pa niya. (Marialen Galicia-Archie)