(Larawan mula kay Fred Odronia)

SAN VICENTE, Palawan — Umaabot sa 20 na out-of-school youth (OSY) sa bayan na ito ang nakatakdang magtapos ngayong araw sa pagsasanay sa Beauty Care Services bilang bahagi ng livelihood program na itinataguyod ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ang 15 araw na pagsasanay ay pinangangasiwaan ni Cleo Diomampo, isang regional assessor mula sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).

Ang mga benepisyaryo ng programa ay kinabibilangan ng mga OSY mula sa 10 barangay sa San Vicente na may edad 30 pababa.

- Advertisement -

Ayon sa MSWDO, ilan sa mga kasanayan na ibinabahagi ay ang pamamaraan sa manicure at pedicure, massage, body spa, make-up, at iba pa. Ang mga ito umano kasi ang kinakailangan at mapakikinabangan ng mga nagsasanay upang kanilang magamit bilang karagdagang pagkakakitaan.

“Ito [yung mga skills] na mas kailangan siya palagi rito sa atin. Every week, mayroong nagpapalinis ng kuko, mayroong nagpapaganda. Kasama rin dito ang massage, body spa, at foot spa. Ito talaga ay kailangan lalo rito sa atin na isang tourism area,” ayon kay social welfare assistant Angelina Castillo.

Maaari rin umano itong magbukas ng oportunidad sa mga benepisyaryo upang makapangibang bansa.

Nakatakda ang pagtatapos ng pagsasanay ngayong araw, Nobyembre 25.

Magkakaroon ng Phase 2 ang pagsasanay na nakaprograma sa susunod na taon upang ganap na makakuha ng national certificate (NC) II ang mga nakilahok.

Dagdag pa ng MSWDO, naisagawa na nila ang kahalintulad na pagsasanay noong taong 2018 sa Bgy. Port Barton kung saan benepisyaryo ang 20 kababaihan roon na sa kasalukuyan ay kumikita na dahil sa ipinagkaloob na libreng pagsasanay.

Previous articleMIMAROPA nutrition council recognizes Palawan for decline in stunting, wasting prevalence rate in child growth
Next articleKatutubo sa Senado
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.