Dalawang lalaki na nahuli na rin dati dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga ang natimbog ng mga awtoridad sa magkasunod na buy-bust operation, Lunes ng umaga.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Ronnie Cabrestante Cervantes, 47, drayber ng trak at residente ng McKinley Hills, Barangay Sta. Monica, at si Reynaldo Cruz Jamito, 41, drayber ng traysikel na residente ng Barangay San Jose.
Ayon kay P/Capt. Alevic Rentino, nahuli si Cervantes sa El Rancho Road sa Sta. Monica matapos makabili ang kanilang asset ng isang plastic ng hinihinalang shabu kapalit ng P700 at makunan ng dalawa pang sachets.
Matapos mahuli, ikinanta rin ng suspek ang transaksyon ni Jamito sa parehong araw. Agad namang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad upang madakip si Jamito.
Nahuli si Jamito sa Sampaloc Road sa parehong barangay.
Nakabili ang kanilang civilian asset ng isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit naman ng P1,000 bukod pa sa buy-bust item at marked money. Nakuhanan din ng mahigit 7 gramo ng shabu ang suspek.
“Itong mga suspek natin na ito ay na-find out natin na nahuli na rin dati sa ganitong gawain, nag-avail lang ito ng probation. Sa drugs kasi pwede kang mag-avail ng probation, halos kalalaya lang ng mga ito. Si Jamito nakalaya noong 2019 at si Cervantes naman ay noong 2018,” ayon kay Rentino.
Paliwanag ni Rentino, meron pang nalalamang source si Jamito ngunit hindi lamang nito matukoy dahil sa paraan ng kanilang transaksyon na pu-puwedeng kahit hindi magkita at magkakilanlan ang buyer at ang pusher.
“Ang alam namin meron pa, kaso ayaw namang magsalita nitong si Jamito, basta meron daw siyang source. Pero hindi niya rin alam kung saan galing, ito talaga ang mahirap sa teknolohiya natin ngayon, ang kausap niya hindi niya rin kilala. Nagpapadala siya ng pera sa mga pawnshop at ibabagsak na lang ‘yong item, kung saan, kung sa basurahan o ano, pi-pick-up lang noong ka-transaksiyon, hindi niya rin kilala,” pahayag pa nito.