Sep 29, 2020

2 suspek sa pagbebenta ng shabu, arestado sa magkaibang anti-drug ops

Ang mga suspek na sina Eddie Meranda at Rodel Fernandez matapos maaresto sa magkahiwalay na anti-drug operations noong Biyernes, May 17, 2019 sa lungsod. (Photo courtesy of Bandera News Palawan)

Dalawang suspek sa pagbebenta ng pinaghihinalaang shabu ang inaresto ng mga pulis sa magkahiwalay na anti-drug operations noong nakalipas na linggo.

Kinilala ang mga ito na sina Eddie Meranda at si Rodel Fernandez ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1 at 2.

Ayon kay Police Lieutenant Ray Aron Elona ng PPCPO Station 1, unang naaresto noong Biyernes, May 17, si Miranda sa isang abandonadong bahay sa Burgos Street.

Sabi ni Elona, si Meranda ay isang street level target (SLT) at bago sa kanilang listahan ng mga indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.

“Bago lang ito sa listahan natin sa Station 1. Kahit sa barangay hindi rin ito nakasama… ang sinasabi niya kasi napag-utusan lang siya na ihatid. Pero we will consider na pusher pa rin siya kasi isa ito sa nagpapakalat ng bawal na droga rito sa atin,” paliwanag ni Elona.

Nakuha mula sa kanya ang isang pakete ng pinaghihinalaang shabu at P500 na marked money.

Kasabay ng operasyon laban kay Meranda, nahuli rin si Fernandez sa Purok Gumamela, Barangay Sta. Monica ng ikasa ng Station 2 ang buy-bust sa pangunguna ni PLt. Mark Anthony Maceda.

Nakumpiska kay Fernandez ang isang pakete ng shabu at marked money.

Paliwanag ng suspek, napag-utusan din lamang daw siya ng isang “Alyas Pan” para ihatid ang droga.

“Nag-iimbestiga na rin tayo doon sa mga taong binabanggit ng suspek. May pinapangalanan kasi siya na mga tao. Nakita rin natin sa mga resibo ‘yong mga malalaking halaga na pinapadala niya sa remittance,” ayon kay Maceda.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry