2 suspek pinaghahanap dahil sa modus sa PCSO ‘Scratch It!’ card

Ang isa sa mga suspek na nakuhanan ng CCTV sa isang lotto outlet sa Barangay Tagburos. Nanawagan ang pulisya na ipagbigay alam agad sa kanila sakaling ito ay makita. (Photo courtesy of Bandera Palawan)


Dalawang hindi nakikilalang suspek ang hinahanap ngayon ng pulisya matapos makuhanan ang mga ito ng CCTV sa Barangay Tagburos nitong nakalipas na linggo matapos maipapalit ang isang sinasabing “tampered” na card ng “Scratch It!” ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay Police Lieutenant Ray Aron Elona, ang mga suspek ay nakasakay sa green na tricycle papunta sa lotto outlet sa Tagburos kung saan nagawa ng mga ito na papalitan ang sinasabing pineke na Scratch It! winning card na nanalo umano ng P7,777.

Napaniwala ng mga ito ang tao sa lotto outlet at napapalitan ito, pero mas mababa sa tunay na halaga nito dahil walang cash ang kahera.

Ang tampered na Scratch It! card na pinapalitan ng mga suspek matapos sabihing nanalo ito ng P7,777. (Photo courtesy of Bandera Palawan)

Imbis na P7,777 ay pumayag pa ang dalawang suspek na halagang P5,000 lang ang matanggap mula sa kahera.

Pero nang dalhin na ng kahera ng lotto shop ang card sa main office ng mga ito para papalitan, laking gulat ng mga ito ng malaman na ito ay tampared.

Iba ang mga linya ng guhit sa ticket at idinikit lang ito, sabi ni Elona.

Nanawagan ang pulisya na mag-ingat sa dalawang suspek at ipagbigay alam kaagad sa kanila sakaling makita ang mga ito.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...