Dalawang pinaghihinalaang bugaw ang nahuli sa isinagawang entrapment operation ng Anti-Crime Task Force (ACTF) at ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1 noong Sabado ng gabi, ika-20 ng Hulyo, malapit sa Provincial Capitol Building.
Kinilala ni Anti-Crime Task Force Head, Richard Ligad ang mga suspek na sina Gloria Jordan Cubid at Nicolite Dela Torre.
Sa panayam kay Ligad ng Palawan News, sinabi nito na ikinasa nila ang entrapment operation dahil matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek bunga nang ipinararating sa kanilang mga reklamo at impormasyon sa paglaganap ng prostitusyon.
“Nakatanggap na tayo [ng ulat] na talamak na ang ganitong case dyan sa may Capitol area — both Rizal gate and Fernandez gate. Ang ginawa natin nakipag-communicate tayo sa Station 1 ng City PNP, ‘yon nga tayo ang naatasan doon na kumuha pa ng agent na magpapanggap na mag-a-avail ng service ng mga babaeng ito. Ang target naman natin dito ay hindi ‘yong mga babae kundi ‘yong mga bugaw talaga,” ayon kay Ligad.
Nakipag-transaksyon ang mga suspek sa nagpanggap na kustomer kaya nakumpirma na sila ay nag-aalok ng serbisyo ng mga babae sa nasabing lugar.
Sabi ni Ligad, ang serbisyo na inialok sa pinagpanggap nilang kustomer ay nagkakahalaga ng P700.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng PPCPO Station 1 ang mga suspek at sasampahan na ng kaukulang kaso.
Patuloy pa rin ang pag-iikot ng ACTF sa iba pang lugar kung saan tumatambay ang mga bugaw at mga babae.
Sabi ni Ligad, sunod-sunod ang mga gagawin nilang operasyon para matigil na ang pambubugaw ng mga kababaihan sa lungsod.
“Well, susunod-sunurin namin ito. Kapag nakita namin na kayo ay makulit pa rin, mas mag-iisip kami ng mas lalong malalim na puwedeng ikaso sa inyo. Baka magsisi kayo bandang huli — na non-bailable na pala ‘yong kahaharapin ninyo. Iwasan niyo na ang ganitong gawain,” sabi ni Ligad.