NARRA, Palawan — Dalawa ang patay at tatlo ang sugatan matapos mabangga ng isang Toyota Revo ang isang traysikel sa Barangay Antipuluan sa bayan na ito noong Linggo ng hapon.
Kinilala ng Provincial Police Office (PPO) ang mga nasawi na sina Randy Abolucion Dionio, magsasaka, drayber ng traysikel, at ang walong taong gulang na anak nito.
Ang iba pang biktima ay sina Marife Norico Dionio, Arah Mae Norico Dionio, at dalawang menor de edad, residente ng Barangay Taritien.
Nagtamo ng matinding tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima at naisugod sa Narra Municipal Hospital (NMH) ngunit naideklarang patay. Inilipat naman ang iba pang biktima sa Puerto Princesa Cooperative Hospital.
Ang suspek ay kinilalang si Arnold Fernandez Rabanal, drayber ng Toyota Revo, 38, at residente ng Barangay Sandoval.
Ayon sa imbestigasyon ng Narra Municipal Police Station binabagtas ni Dionio ang National Highway mula barangay Taritien patungong barangay Poblacion habang si Rabanal naman ay mula sa kasalungat na direksyon.
Pagdating sa lugar ng pinangyarihan, nabangga ng minamanehong sasakyan ni Rabanal ang traysikel at nakaladlad pa ito ng humigit kumulang 60 meters bago nahinto.
Ayon kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng Narra Municipal Police Station, nag-overtake ang Revo at may kabilisan ito ng takbo kaya’t nabangga at nakaladkad ito.
“Sa aming investigation, nag-overtake itong revo, kinain niya ‘yong lane ng tricycle, kaya talagang head-on, actually ang tama talaga ‘yong tricycle natumbok talaga niya ito, magkasalubong kasi sila. Noong nabangga niya [Revo], nahila pa niya ang traysikel na-drag pa niya ng more or less 60 meters, mabilis ang takbo ng Revo,” ayon kay Remo.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicides, serious physical injuries and damage to property ang suspek na si Rabanal.