Oct 1, 2020

2 huli sa Coron drug bust

Ang mga suspek na sina Sangoden Samod Dimaporo (naka orange na sando) at Constantino Santos De Jesus (naka-pulang tshirt) na nadakip ng Coron PNP.

Dalawang lalaki ang nahuli sa magkasunod na buy-bust operation na isinagawa ng Coron PNP, Biyernes, ika-12 ng Hulyo.

Ang mga suspek ay sina Constantino Santos De Jesus, isang mekaniko na mula sa San Jose, Occidental Mindoro at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Dimanyag, Brgy. Guadalupe, samantalang ang kasama nito na nakatakas ay si Francis Riva alyas “Frank”.

Sa panayam kay P/Maj. Third Starky Timbancaya, nahuli si De Jesus sa Sitio Dimanyag ganap na 3:10 ng hapon. Ang operasyon ay natunugan umano ng kasama ni De Jesus na si Francis Riva kaya ito nakatakas.

Nakuha mula sa mga kay De Jesus ang iba’t-ibang uri ng baril katulad ng calibre 38, calibre 45, M-16 at iba pang drug paraphernalia.

Nadakip naman sa kasunod na buy-bust operation si Sangoden Samod Dimaporo, alyas “Min” na mula sa Marawi City at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Poblacion, Coron.

Isinagawa ang buy-bust operation ganap na 11:00 ng gabi sa Poblacion 1.

Nakuha mula kay Dimaporo ang 16 na pirasong sachet na pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P45,000.00 subalit, ayon kay Timbancaya sa kanyang pagtatasa aabot pa ito ng P80,000.00.

Nakuha rin sa suspek ang iba pang drug paraphernalia.

“May lumapit sa atin na isang informant na dati ngang gumagamit na rin ng droga at sabi nya, para raw sya makabawi tutulungan niya kaming mahuli itong si Dimaporo. Agad kaming nag plano, nakipag-ugnayan uli sa PDEA at agad naming isinagawa itong operasyon,” ayon kay Timbancaya.

Ayon kay Timbancaya, parang” palos” daw itong si Dimaporo dahil mahirap hulihin.

“Ayaw magpahuli. Nagkaroon pa ng tulakan, tumakbo pa, hanggang sa nakapasok siya sa kanyang bahay at wala naman s’yang mga kasama kaya nahuli na natin. Doon nakita na natin na nakalatag doon ‘yong mga drug paraphernalia, digital timbangan at may nakuha pa tayong limang bulto. Lapag sinabi kasing limang bulto ibig sabihin marami pa, big transaction talaga yan,” ayon kay Timbancaya.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry