Sumailalim sa 'drug clearing and validation' program ng Regional Oversight Committee on Jail Drug Clearing Operation ang Narra District Jail at Brooke's Point District Jail sa sur ng Palawan bago nai-deklara ang mga ito bilang 'Drug-Free Jail Facility'. (Larawan ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

Ligtas at malinis sa ipinagbabawal na gamot ang mga pasilidad ng Brooke’s Point District Jail at Narra District Jail sa sur ng Palawan.

Ito ang nilalaman ng deklarasyon ng Regional Oversight Committee on Jail Drug Clearing Operation (ROCJDCO) sa isinagawang ‘drug clearing and validation’ program sa kapitolyo kamakailan.

Sa balidasyon ng ROCJDCO sa dalawang pasilidad, lumalabas na nasunod ng mga ito ang mga itinakdang pamantayan para sa mga bilangguan.

Ilan sa mga pamantayan ang pagkakaroon ng adbokasiya para sa kampanya kontra-droga; dapat ay walang bilanggong may kasong sangkot sa droga ang nasa watch list; negatibo sa drug test ang mga tauhan; at dapat malinis ang mga pasilidad o wala nang makukumpiskang kagamitan sa ipinagbabawal na droga sa lahat ng dako ng bilangguan sa tatlong magkakasunod na inspeksiyong ipatutupad ng komite.

Sa kasagsagan ng programa, ipinaalala ni Direktor Mario D.A. Ramos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Mimaropa sa pamunuan ng dalawang pasilidad na pinatatakbo sa ilalim ng Bureau of Jail Management (BJMP) na kinakailangang maipagpatuloy ang mga programang ipinatutupad ng mga ito at manatili ang pagiging malinis sa droga.

Magugunita na noong taong 2018, ang Puerto Princesa City Jail ng BJMP ay pinarangalan matapos na mai-deklarang kauna-unahang bilangguan na ligtas at malinis sa iligal na droga sa buong Pilipinas. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

About Post Author

Previous articleCourt commits 5 Vietnamese fishermen to Brooke’s Point district jail
Next articleBlood-letting, naging bahagi sa pagdiriwang ng Sto. Niño Festival