(UPDATED) Patuloy ang isinasagawang search operation ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa naiulat na pagkalunod ng isang 19 anyos na lalaki sa Sto. Nino Beach, Barangay Napsan, Lunes ng umaga.
Kinilala ang nawawala na si Mark Anthony de Lara. Sa inisyal na impormasyon na ibinigay ng PCG, naliligo ang biktima kasama ang ilan pang miyembro ng kanilang simbahan (Alliance Church) nang madala sila ng alon sa malalim na bahagi ng dagat.
Ayon sa Sangguniang Kabataan (SK) chairman na si Marvin Sarol ng Napsan, hindi maganda ang panahon ng mga oras na naligo ang mga kabataan sa lugar.
“Yong panahon na naligo sila dyan, medyo masama ang panahon, sabayan pa ng malakas talaga ang current ng tubig dyan,” ayon kay Sarol sa panayam ng Palawan News.
Nagpakalat na ang mga tauhan ng special operations group ng PCG ng impormasyon sa mga baybayin malapit sa lugar ng pinangyarihan.
Mula sa apat na tinangay ng dagat, naiulat na tanging si de Lara lamang ang hindi nailigtas ng mga kasamahan nito.
“Tatlo ang naisalba tapos isa po yung hanggang nyon ay hinahanap pa,” dagdag ni Sarol.