Sep 21, 2020

16 na barangay sa San Jose, magsasagawa ng Special SK Elections

Pinagaaralan ni MLGOO Memviluz Baurile ang memorandum na ibinaba ng DILG sa kanyang taggapan, hinggil sa gaganaping Special SK Election sa 16 na barangay ng San Jose. (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Labing anim na barangay sa bayan ng San Jose ang magsasagawa ng Special Sangguniang Kabataan (SK) Election sa Enero 15–17.

Ang mga barangay na ito ay ang Barangay Ambulong, Ansiray, Catayungan, Central, Ipil, La Curva, Mangarin, Monteclaro, Naibuan, Pawican, Bangkal at ang mga barangay ng Poblacion 1, 2, 6, 7 at 8.

Ayon kay Memviluz Baurile, Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) ng bayang ito, ang naturang eleksyon ay pagtalima sa ipinalabas na memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na naglalayong makumpleto ang mga nakaupong SK officials. “Kadalasan, tatlo hanggang limang SK kagawad lamang meron sa mga nabanggit na lugar,” pahayag pa ni Baurile.

Ipinaalala ng opisyal na hanggang sa ika-12 ng Enero (ngayong darating na Sabado) na lamang ang pagpapatala.

“Sa mga kasapi ng Katipunan ng mga Kabataan, maari na kayong magparehistro sa inyong barangay,” panawagan ni Baurile. Aniya, tanging ang mga nakapagpatala, na may edad 15 – 30 taong gulang, ang maaring bumoto.

“Makipagugnayan na lamang sa barangay at SK Secretariat para sa iba pang impormasyon,” pagtatapos ni Baurile. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry