Nasa 150 na ipil seedlings ang naitanim sa isinagawang Tree Planting Activity sa pamamagitan ng Palawan Water Office sa ilalim ng Provincial Economic Enterprise Development Office (PEEDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan nitong nakalipas na Marso 18, 2023 sa paligid ng Magsaysay Water System sa Maringgit-ringit, Little Baguio, Brgy. Igabas sa bayan ng Magsaysay.
Ang nasabing aktibidad ay nakapaloob sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Palawan Water Office at Department of Environment and Natural Resources- Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) alinsunod sa Environmental Compliance Certificate ng Magsaysay Water System for the environmental conservation enhancement program sa ilalim ng Presidential Decree 1596.
Layon ng aktibidad na makapagtanim sa paligid ng water system upang patuloy na mapangalagaan ang kapaligiran sa kinatatayuan ng naturang proyekto sa nabanggit na bayan.
Ang tree planting activity na pinangunahan ng Palawan Water Office ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan sa DENR-CENRO, Magsaysay Water System Team at LGU Magsaysay.
Inaasahan naman na magsasagawa rin ang nabanggit na tanggapan ng mga kahalintulad na aktibidad sa iba pang mga PGP-water system projects sa lalawigan.
Ang tema ng isinagawang tree planting ay “Pagpreserba ateng kagueban, para ma sustiner ang tubig y ang ateng pinalanggang Banuang Magsaysay”.