PIA file photo

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mayo 15 (PIA) — Isandaa’t apatnapung (140) magsasaka ng bayang ito ang makikinabang sa programang Expanded Survival and Recovery Aid (Sure Aid) o Sure COVID-19 financing program ng Department of Agriculture (DA), ayon sa Municipal Agriculturist Office ng bayang ito.

Paliwanag ni Romel Calingasan, OIC-MAO, sa ilalim ng Expanded Sure Aid, ang bawat isa sa mga napiling magsasaka ay pahihiramin ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ng P25,000 na babayaran sa loob ng 10 taon ng walang interes.

“Sa ating lalawigan, ang Occidental Mindoro Cooperative Bank (OMCB), ang kooperatibang magpapaluwal ng pera dahil sila ang napiling conduit ng ACPC,” ani Calingasan.

Ang ACPC ay attached agency ng DA na katulong sa pagsasaayos ng mga programa at polisiya sa pagpapautang ng Kagawaran.

“Malaking tulong ang ipapahiram na pera sa Expanded Sure Aid,” ayon pa sa opisyal, at aniya’y dapat gamitin lamang upang tugunan ang mga pangangailangan sa gawaing bukid o sa gawaing pangingisda. Sinabi pa ni Calingasan, na lagi niyang ipinapaalala sa mga lokal na magsasaka’t mangingisda na samatalahin at gamitin ng tama ang mga tulong mula sa pamahalaan.

Inilahad din ni Calingasan na ang mga napiling benepisyaryo ng programa ay mga nabibilang sa marginalized sector. “Sila iyong may pag-aari at sinasakang lupa na hindi hihigit sa tatlong ektarya at sa ating mga mangingisda naman ay may bangka na ang timbang ay hindi hihigit sa tatlong tonelada,” paglilinaw ng tagapamahala ng MAO San Jose. Dapat din aniyang walang production loan sa alinmang institusyon na nagpapautang ang nasabing mga benepisyaryo.

“Marami ang interesado subalit 140 katao lang ang itinakda ng DA na makabilang sa programa, kaya pumili tayo mula sa mga agricultural barangays ng ating bayan,” saad pa ni Calingasan. Aniya, naging basehan sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ay kung sino ang mga magsasakang naapektuhan ang mga pananim ngayong tag-init at ang mga hindi nakapagbenta ng produkto dahil sa community quarantine sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Binanggit din ng opisyal na sa kasalukuyan ay inatasan na ng kanilang tanggapan ang mga benepisyaryong magsasaka na isaayos na ang mga dokumentong kailangan upang ma-proseso na ng OMCB. Ang mga ito ay: filled-out application form mula OMCB, dalawang kopya ng government ID, tatlong 1 x1 photo, sertipikasyon mula Barangay at sertipikasyon ng MAO na ang aplikante ay nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). (VND/PIAMIMAROPA)

About Post Author

Previous articleStranded persons now allowed to travel within Palawan
Next articleEditorial: Defining our future under COVID-19