Isa sa mga residente ng Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City na nagpabakuna sa National Vaccination Day 3 noong Pebrero 10. (Larawan ni Mike Escote, PIA-Palawan)

Target ng Puerto Princesa Covid-19 Vaccination Team na mabakunahan ang nasa 12,000-13,000 indibidwal sa dalawang araw na National Vaccination Days 3 na nagsimula ngayong Pebrero 10.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Ricardo Panganiban, ang pinuno ng City Health Office (CHO) at nangunguna sa Puerto Princesa City COVAC sa panayam ng PIA Palawan. Ayon sa kaniya, kasama na dito ang magpapabakuna para sa 1st Dose, 2nd Dose at Booster Shot.

Maaari aniyang magpabakuna sa lahat ng vaccination sites partikular na sa City Coliseum at mga mall sa kabayanan mula 8:00 A.M hanggang sa oras na maubos ang lahat ng nakapila. Maliban dito ay mayroon ring ‘Barangay Bakunahan’ sa barangay ng Napsan, Bancao-Bancao, Cabayugan, Irawan ,Santa Monica. May bakunahan rin sa Palawan Pawnshop para naman sa kanilang libong empleado at mga kamag-anak nito.

Nilinaw niya rin na hindi na sila nagpapatupad ng cut-off dahil marami namang suplay ng Covid-19 vaccine. Binigyang diin rin ni Dr. Panganiban na mahalaga ang magpabakuna para may panlaban sa Covid-19, sa katunayan aniya hindi na kailangang ma-ospital pa ang bakunadong tinamaan ng virus at ilang araw lang ay magaling na’t nakakabalik na sa trabaho dahil fully-vaccinated o nagpabooster shot na.

“Tingnan nyo naman yung cases natin mataas tapos biglang baba, ilang araw lang bumababa na siya, bakit? kasi [bakunado], at tsaka ang majority ngayon nasa bahay lang, yung iba walang nararandaman”, saad pa ni Dr. Panganiban.

Ang National Vaccination Day 3 ay ginawa ng pamahalaan para mas marami pa ang mabakunahan para magkaroon ng proteksyon laban sa virus at maaabot ang herd immunity sa bansa.(MCE/PIA-MIMAROPA,PALAWAN)

Previous articleA mayor in the Philippines took on a mine, and lost her job over it
Next articleWPU, WESCOM continue relief efforts for Typhoon Odette-hit communities