Aabot sa 12 asosasyon ng mga mangingisda ang nakikinabang na sa proyektong payao o fish aggregating device na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Economic Enterprise and Development Office (PEEDO) at Livelihood Project Management Unit (LPMU).
Layunin ng proyekto na mapanatili ang pagiging produktibo ng coastal waters habang patuloy na pinoprotektahan ang mga yamang-dagat at upang makatulong sa mga mangingisda na madagdagan ang kanilang kita at mabawasan ang malaking gastos ng mga ito sa gasolina.
Ayon sa mga mangingisda, malaking tulong ito dahil lalo pa nilang mapapalago ang kanilang hanapbuhay at madadagdagan ang kanilang kita, lalo na ngayong panahon ng pandemya at ang naranasang epekto nang nagdaang bagyo.

“Mas maraming isda at mas napapadali yung pangingisda namin sa tulong ng payao dahil hindi na namin kailangan manghuli kung saan-saan, kapag maganda ang panahon, pupuntahan lang namin ang payao at dahil dito ay lubos ang aming pagpapasalamat sa tulong na ibinigay ng pamahalaan. Sana maparami pa ang mga payao para sa iba pang mga mangingisda,” pahayag ni Buenaventura Trinidad, presidente ng Buenasuerte Fisherfolks Association ng Pulot Shore sa bayan ng Española.
“Ang epekto po nito sa ating mangingisda ay naging magaan sa aming hanapbuhay dahil napapabilis ang paghuli ng isda. Buong puso po kaming nagpapasalamat sa ibinigay na proyekto sa aming mangingisda dahil lumaki ang kita namin kung kaya’t naibibigay namin ang pangangailangan ng bawat pamilyang nakikinabang nito,” sabi naman ni Terry Gonzaga, presidente ng Apurawan Fisherfolks Association ng Aborlan.
Matatandaang nagkaloob ang pamahalaang panlalawigan 10 mga bangkang de motor at 12 set ng payao o fish aggregating device sa 12 asosasyon ng mga mangingisda sa mga munisipyo ng Aborlan, Rizal, Bataraza, Española, Quezon at Brooke’s Point.



