ODIONGAN, Romblon — Inaasahang mahigit kumulang 100 pulis ang ide-deploy ng Romblon Police Provincial Office sa buong bayan ng Odiongan ngayong linggo para sa seguridad ng mga dadalo sa Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Olympics 2019 na iho-host ng Odiongan bukas.
Sinabi ito ni Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon noong Nobyembre 18.
“Ang amin pong provincial director na si Col. Arvin Molina ay nag-utos na mag-deploy ng mahigit kumulang 100 PNP personnel sa lahat po ng places of engagement dito sa nasabing olympics,” ayon kay Captain Fernandez.
Ang dagdag na tauhan ng pulisya ay bukod pa aniya sa force multiplier ng Odiongan Municipal Police Station na binubuo ng Odiongan Transport and Regulatory Unit (OTRU) at Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), dagdag pa ang tulong mula sa iba pang ahensya katulad ng Kabalikat Civicom, PNP-Highway Patrol Group, Romblon Provincial Mobile Force Company (RPMFC), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ipinagutos na rin ni Captain Fernandez sa kanyang mga tauhan na tingnan ang lahat ng closed-circuit television (CCTV) cameras sa paikot ng bayan para masigurong umaandar ito.
“Malaking bagay itong mga cctv natin dahil katulong natin ito sa pagsawata ng mga kriminal. Mabilis nating mababantayan ang seguridad ng ating mga bisita kasi may mga cctv tayo sa mga kalsada,” ayon kay Fernandez.
Sa huling taya ng pulisya, wala naman aniya silang natatanggap na banta sa seguridad ng mga delagado na binubuo ng halos 3,500 na mga manlalaro at coaches mula sa rehiyon ng Mimaropa at Region IV.
Samantala, ipinaalala rin ni Fernandez sa publiko lalo na sa mga bibisita sa bayan para sumaksi sa palaro, na ipinagbabawal sa Odiongan ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
“Kung maiiwasan manigarilyo, umiwas na muna, o di kaya pumunta sa ating mga designated smoking areas. May mga nakakalat ang Odiongan MPS at LGU na manghuhuli ng mga ‘yan, para pagmultahin,” ayon kay Fernandez. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)