Sampung proyektong pang-imprastruktura ang sisimulan nang itayo sa Puerto Princesa matapos ang groundbreaking ceremonies ng mga ito kamakailan.
Ang nasabing mga proyekto ay kinabibilangan ng pagko-kongkreto ng Kamuning-Sabang Beach Road at Kamuning Road sa Bgy. Kamuning; Inagawan-NIA Farm-to-market Road sa Bgy. Inagawan; Access Road sa Bgy. Irawan; konstruksiyon ng Doña Aurora Road sa Bgy. Sta. Monica; Konstruksiyon ng San Jose Public Market Complex; Flood Control Project sa Bgy. San Pedro; Ekspansiyon ng Sanitary Landfill sa Bgy. Sta. Lourdes, kasama na dito ang konstruksiyon ng Leachate Treatment Plant; Pagpapalawak ng Balayong Forest Park at ang konstruksiyon ng apat na mini parks sa loob ng Balayong Park.
Umaabot sa kabuuang P544.4 milyon mula sa general fund ng Pamahalaang Panglungsod ng Puerto Princesa ang halaga ng nasabing mga proyekto kung saan isinagawa ang groundbreaking ceremonies ng mga ito noong Enero 15 sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron kasama ang ilang mga opisyales ng lungsod.
Isa sa may pinakamalaking halaga sa mga proyektong ito ay ang konstruksiyon ng bagong San Jose Public Market Complex, sa Bgy. San Jose, na pinondohan ng P173.1 milyon. Sisimulan ang konstruksiyon nito sa Enero 20 at inaasahang matatapos ito sa Nobyembre 15.
Ang pangko-kongkreto ng Inagawan-NIA Farm-to-market Road naman ang pinakamabilis na matatapos ayon sa calendar of activities ng nasabing proyekto. Inaasahan itong matatapos sa Marso 16.
Samantala, pinakamatagal namang matatapos ay ang ekpansiyon ng Balayong Forest Park dahil Nobyembre 24 pa ito inaasahang matapos.
Ang sampung proyektong pang-imprastrukturang ito ang unang bugso ng mga proyekto ng pamahalaang panglungsod sa buwan ng Enero. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)