Western Command, sunod-sunod ang aktibidad na isinagawa


Sunud-sunod ang aktibidad ng Western Command noong Sabado, Marso 11 kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng kanilang ika-41 anibersaryo. Pangunahin sa mga ito ang ‘Kembot-Takbo Kontra Droga’ Fun Run sa City Baywalk at bloodletting activity, static display at live concert sa Robinson’s Place.

Pinangunahan ang nasabing mga programa ng iba’t ibang miyembro ng sandatahang lakas ng WesCom, kabilang ang Philippine Navy, Philippine Airforce, Philippine Army, at ang Philippine Marine Corps. Nakibahagi rin ang Philippine Coastguard, PNP at iba pang mga organisasyon at paaralan sa lungsod at lalawigan.

Panauhin naman sa nasabing mga aktibidad ang atletang si Hidilyn Diaz, Rio Olympic Games Silver Medalist for Weightlifting, upang suportahan ang kampanya kontra-droga. Partikular na hinikayat ni Diaz ang kabataan na mas maiging mahalin ang sariling talento kaysa malulong sa pinagbabawal na gamot.

“Malaki po ang maitutulong ng isports upang maiwasan ang droga kaya po sa mga kabataan mahalin po nila ang kanilang talento kasi iba po ang droga, masisira lang nito ang buhay natin,” ani Diaz.

Dagdag naman ng WesCom, parte ang mga naturang aktibidad hindi lamang ng kanilang anibersaryo ngunit hakbang na rin para makasalamuha ng sandatahang lakas ang mga mamamayan ng Puerto Princesa.

Asahan naman umano ang kanilang suporta sa lungsod at abangan din ang iba pang kaganapan na kabahagi pa rin ng kanilang pagdiriwang.

You may also like...