Undas 2016: Seguridad nailapat na

Photo credit to the owner

Matapos masusing pag-aralan ang plano para sa darating na undas pinulong ng City Traffic Management Office at ng City Public Order and Safety Office ang mga ahensyang magiging parte sa nasabing selebrasyon.

Sa ginawang pagpupulong noong Biyernes ng umaga, Oktubre 21, inilapat ni CTMO Officer Engr. Jonathan Magay ang magiging partisipasyon ng kapulisan at ng mga barangay patungkol sa pagpapatupad ng seguridad sa mga sementeryo.

Ayon kay Retired Col. David Martinez makikipagtulungan ang kanilang opisina sa Mendoza Police Station para masiguro ang seguridad ng mga bibisita sa sementeryo. Dagdag pa nito ay handang handa na ang lungsod para sa undas 2016. “Magrerequest tayo ng mga pulis na nakasuot ng plain dress upang masusing mabantayan ang mga susuway sa mga bawal na gawain katulad ng pag-inom ng alak at pagdadala ng matatalas na bagay,” paliwanag ni Martinez.

Ayon pa kay Martinez kinakailangan na maging alerto ang lahat dahil kadalasan nang sinasamantala ng mga masasamang loob ang mga kaganapan gaya ng undas.

Kinumpirma naman ng Deputy Station Commander ng Mendoza Police Station na si PInsp. Pearl Manyll Marzo ang partisipasyon ng mga ito sa darating na undas. “Full force ang dispatch natin sa mga sementeryo sa darating na undas para masiguro natin na magiging ligtas ang selebrasyon na ito,” ani Marzo.

Nangako naman ang mga opisyal ng mga barangay na nasasakupan ang mga sementeryo ng partisipasyon ng kani-kanilang mga tanod, partikular na ang pag-iikot at pagbabantay sa mismong araw ng selebrasyon.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...