UNDAS 2015: Lalaki patay sa pananaksak sa Cuyo


Hindi na umabot pa ng buhay sa district hospital ang isang 27 anyos na lalaki matapos itong pagsasaksakin sa Barangay Suba, Cuyo sa kasagsagan ng paggunita ng Undas 2015 sa naturang bayan kahapon, November 1.

Kinilala ang nasawing biktima na si Darwin Gopaco, may asawa, at residente rin ng nasabing barangay. Ang suspek naman ay kinilalang si Alpidio Alon, 33 anyos, at residente rin ng Suba.

Ayon sa hepe ng Cuyo Municipal Police Station (MPS) na si Insp. Rex Vilches, nangyari umano ang insidente pasado alas 10 ng gabi ng All Saint’s Day.

Dumaan lamang umano ang biktima sa bahay ng suspek ng bigla na lamang itong inundayan ng saksak ng suspek gamit ang12 pulgadang kutsilyo.

Nagtamo ng apat ng saksak ang biktima — tatlo sa likod at isa naman sa tiyan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nabatid din ng mga otoridad na bago mangyari ang insidente ay magkasama ang suspek at biktima na nag-iinuman sa isang pasayawan sa lugar.

Sa inisyal na pagsisiyasat, posibleng selos at kalasingan umano ang nag-udyok sa suspek na gawin ang pananaksak. Dahil sa napaka-seloso umano nito sa kaniyang ka live-in partner na si Cherry Dagaraga.

Samantala, hawak na ngayon ng mga otoridad ang nahuling suspek habang inihahanda na ang kasong murder na isasampa laban dito.

 

 

 

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.