Tulong trabaho ng DOLE at 3rd District Cong. Gil “Kabarangay” Acosta marami ang nakikinabang


Mahigit 40 na mga Kabarangay mula sa Lungsod ng Puerto Princesa ang kumpirmado na makakapagtrabaho sa iba’t-ibang tanggapan ng ating lokal na pamahalaan sa ilalim ng programang Government Internship Program (GIP)  at 400 namang Kabarangay ang makikinabang sa Tulong panghanap-buhay Para sa Ating mga Disadvantaged Workers (TUPAD) program na inaasahang sasalang na sa kanilang trabaho ngayong darating na Agosto 1, 2017.

Ang programang GIP at TUPAD ay magkatuwang na ipinapatupad ng tanggapan ni 3rd District Congressman Gil “Kabarangay” Gil P. Acosta at Department of Labor and Employment (DOLE) upang waksian ang problema sa kahirapan at kawalan ng trabaho ng mga kabarangay.

Ang programang TUPAD ng DOLE ay naglalayon na mabigyan ng agarang trabaho o emergency employment ang mga kabarangay na naging biktima ng kalamidad tulad ng bagyo, sunog at landslide na naging sanhi ng kawalan ng trabaho o hanapbuhay.

Ang mga benepisyaryo ay dapat nasa edad 18 hanggang 60 taong gulang, may natapos man o wala sa pag-aaral. Sa loob ng 32 araw ay makakapagtrabaho ang mga benepisyaryo ng nasabing programa sa kanilang lokal na komunidad at magsisilbing temporary wage supplement ang sweldong kanilang matatanggap habang naghahanap sila ng permanenteng trabaho.

Ang GIP ng DOLE ay isang paraan ng ating gobyerno upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabarangay na magamit ang kanilang talino para sa serbisyo publiko. Bukod sa trabaho, magsisilbing oportunidad ito para sa mga benepisyaryo ng nasabing programa na pahalagahan ang pagiging tapat sa paglilingkod sa ating bayan. Kinakailangan na nakapagtapos sa high school at wala pang karanasan sa paglilingkod sa gobyerno ang maaring maging benepisyaryo ng nasabing programa.

Layunin nang naturang mga programa na mabigyan tulong ang ating mga kabarangay sa kanilang paghahanap ng trabaho at mabigyan sila ng karanasan sa serbisyong pampamahalaan, alinsabay sa hangarin ni Congressman Kabarangay Gil Acosta na mabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho ang mga nangangailangang mamamayan ng Distrito.

 

 

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...