Tulong pansakahan, ibinahagi sa mga katutubo ng Brooke’s Point

Hinimok ni Brooke’s Point mayor Mary Jean D. Feliciano ang mga nabigyan ng kagamitang ito upang mapaunlad ang organic farming sa bayan ng Brooke’s Point at mapanatili ang masustansyang gulay gayon din ang pangangalaga sa kalikasan. (file photo)


Ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Brooke’s Point ang mga kagamitan sa paggugulayan (garden tools) at starter seeds sa 25 katutubo noong August 6, 2018 .

Ang pamamahagi ay pinangunahan ni Mayor Mary Jean D.  Feliciano,  Philippine Marines Batallion Commander /MBLT-4 Col.  Darwin De Luna,  Provincial Social Welfare  and Development  Officer  Director Abigail Ablaña, at TESDA Provincial Director Renato Pantaleon.

Tumanggap ng tig-isang sprayer, rake, piko, pala, sprinkling can at isang latang  starter seeds ang bawat katutubong benepisyaryo ng garden tools na nagmula sa LGU at Western Command.

Ang pamamahaging ito ay bahagi pa rin ng pagpapatuloy ng kanilang binuong programang Tribal Olympics na ang layunin ay mabigyang pansin ang mga katutubo at matulungang mapaunlad ang pananaw at antas ng pamumuhay ng mga ito gayon din ang mabigyan ng magandang oportunidad ang mga rebeldeng grupo na manumbalik sa pamahalaan.

“Bahagi pa din ito ng pagpapatuloy ng tribal Olympics  program na isinagawa nakaraan lamang para bigyan ng magandang pagkakataon ang mga katutubo at Rebel returnees ” Ayon kay Charlito Nilasa ang Municipal Tribal Coordinator ng bayan ng Brooke’s Point.

Hinimok ni Brooke’s Point mayor Mary Jean D.  Feliciano ang mga nabigyan ng kagamitang ito upang mapaunlad ang organic farming sa bayan ng Brooke’s Point at mapanatili ang masustansyang gulay gayon din ang pangangalaga sa kalikasan.

“Dapat ay hindi masayang ang inyong napag-aralan sa organic farming  at ang mga garden tools. Kaya ipinakikiusap ko sa department of agriculture (DA)  na tutukan ninyo sila upang maalalayan pa sa tamang proseso ng organic farming. ” Ayon kay Mayor Jean Feliciano.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...