=

Tricycle driver patay matapos makabangga ang sasakyan ni Mayor Feliciano ng Brooke’s Point 


Dead on arrival ang drayber ng isang traysikel matapos na makabanggaan nito ang isang sasakyang pagmamay-ari ng LGU Brooke’s Point, may plakang VN 5101, na lulan umano ang alkalde ng naturang munisipyo na si Mayor Mary Jean Feliciano, sekretarya nitong si Lalain Ribo at body guard na si Roger Perez kahapon, ika-9 ng Hunyo, pasado alas kwatro ng hapon.
Kinilala ang drayber ng traysikel na si Larry Coroso Ondong, residente ng Sitio Limbasan, Barangay Mambalot, Brooke’s Point, habang minamaneho naman ni Herman Bibon Bangona, 46 anyos, residente ng Poblacion District 1 ng nasabi ring munisipyo, ang nakabanggaan nitong sasakyan.
Base sa imbestigasyong isinagawa ng mga awtoridad, nasa magkasalubong na direksyon ang minamanehong traysikel ni Ondong at ang sasakyan ng LGU Brooke’s Point nang tangkaing lagpasan ni Ondong ang bisikleta sa harap nito.
Hindi umano napansin ni Ondong na nasa harapan na pala niya ang humaharurot na sasakyan ng alkalde dahilan kung kaya nabangga niya ito. Samantala, wala naman umanong tinamong pinsala ang alkalde maging ang mga kasama nito. Pareho namang nagtamo ng malubhang pinsala at kasalukuyang nasa pagamutan ang nagdadala ng bisikleta na si Hilarion Abel Bulado at ang sakay ng traysikel na si Sofia Caroso.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Brooke’s Point ang mga sasakyang sangkot sa insidente, maging ang drayber na si Bangona para sa kaukulang imbestigasyon.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

1 Comment

Add a Comment

Your email address will not be published.