Tatlong pulis dawit sa illegal drug pushing sa Puerto Princesa

Ang hepe ng CPO na si Supt. Ronnie Francis Cariaga habang kinakapanayam hinggil sa pagkakasangkot ng tatlong pulis sa droga. Nasa inset photo naman ang nagsiwalat tungkol sa kanilang kaugnayan diumano sa pagbebenta ng iligal na droga na si Nathalie Niño, “alyas Lea.”


Tatlong pulis ang pinaiimbestigahan ngayon ni Superintendent Ronnie Francis Cariaga, hepe ng City Police Office (CPO), matapos isangkot sila ng 20-anyos na single mother na kailan lang ay naaresto sa buy-bust operation sa Barangay San Pedro.

Ayon kay Cariaga, very vocal si Nathalie Niño, “alyas Lea,” ng banggitin nito na ang pinanggagalingan ng droga na kanyang inilalako ay tatlong pulis ng Police Station 1 na may mga ranggong Police Inspector 1.

Dalawa sa tatlong nabanggit na pulis ay pinangalanan ni Niño na sina PO1 Joy Celedonio at PO1 Bryan Jay Miday.

Sa pahayag ni Cariaga, agad siyang nag-utos ng surprise drug test noong Linggo rin mismo, March 4, para malaman kung may katotohanan ang pahayag ni Niño na napag-alaman din na ang totoong apelyido ay Chua.

Ang isang pulis na di pa agad na matukoy ang pagkakilanlan ay negatibo sa drug test.

“Immediately noong makarating sa akin ang impormasyon ay agad kong ipina-drug test sa crime laboratory itong mga nabanggit, at sa tatlo sa kanila itong dalawa ang lumalabas na may indikasyon ng drug substance after ng test,” sabi ni Cariaga.

Aniya, inilipat na sa office duty sa CPO ang dalawa habang hinihintay ang confirmatory result ng isinagawang drug test na ipadadala naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Palawan sa Maynila.

“Mahirap kasi na arestuhin natin ng hindi na-va-validate or na-co-confirm ang resulta ng drug test. Very vocal itong si Nathalie sa pagkilala sa kanila kaya agad nating ipina-drug test,” dagdag pa ng hepe ng CPO.

Nitong Miyerkules sa isang recorded investigation kay Niño na ipinarinig sa radyo Bandera, sinabi nito na nanggaling ang dala niyang droga kay Celedonio.

“Nahulihan po ako ng drugs na halagang P5,000… Nanggaling po ‘yong dala kong drugs kay PO1 Joy Celedonio. Nakita ko rin po doon si PO1 Miday, gumagamit po, pumupunta doon tapos ipinakilala po sa akin si Joy… ino-orasan pa nga niya ako, sir. Naka-remit na ako sa kanya ng P18,000 tapos minsan P12,000,” sabi ni Niño.

Samantala, ipinahayag din ni Cariaga na walang na-demoralize na pulis dahil sa pagkakasangkot ng dalawa sa iligal na droga.

“I don’t think may pulis na na-demoralized. Tuwang-tuwa nga sila dahil nahuli,” sabi niya.

Kung sakaling mapatunayan na may kinalaman nga ang dalawang pulis na nadadawit sa droga, agaran naman siyang gagawa ng hakbang para ma-dismiss ang mga ito sa serbisyo.

You may also like...