Suspek sa tangkang pagpatay, wanted sa pulisya ng Taytay


Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ng Taytay ang isang suspek sa tangkang pagpatay sa isang construction worker noong Abril 1.

Ang wanted sa mga pulis ng Taytay Municipal Police Station (MPS) ay kinilalang si Loreto Abrea, “alyas Loglog,” isang helper umano sa barkong pangisda, at pansamantalang nakatira sa Purok 5, Poblacion, Taytay.

Ayon sa spot report, tinangka niyang paslangin ang 36-anyos na biktima na si Nelson Zabalo Jr., “alyas Jonel,” taga-Agutaya, at kasalukuyang nakatira din sa nasabing lugar.

Base sa pahayag ni Senior Inspector Ric Ramos, provincial PNP information officer, gabi ng Marso 31 ay magkasama pa ang dalawa sa inuman.

Para iwasan ang di pagkakaunawaan, umuwi na ang mga ito sa tinitirahan, pero bumalik pa rin para uminom sa may peryahan kung saan naganap na ang pag-aaway dahil sa kalasingan.

Ang suspek na may dalang itak sa pagkakataong iyon ay tinadtad ang biktima na nasugatan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Agad na dinala ang biktima sa Northern Palawan Medical Hospital sa Taytay ngunit kinailangan pa ring dalhin sa Ospital ng Palawan kung saan kasalukuyan itong ginagamot ng mga doktor.

Tumakas ang suspek pagkatapos ng tangkang pagpatay.

You may also like...