Suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Bgy. Sta. Lourdes, nahuli na


Pasado alas-12 ng madaling araw, Lunes, Enero 30 nang sumuko sa tanggapan ng PNP-Irawan si Jerry Fabrigas, ang suspek sa pananaksak kay Roland P. Jardeleza (48 y/o) noong Linggo, Enero 29, pasado alas-11 ng gabi, na siyang ikinamatay ng biktima. Ang dalawa ay parehong residente ng Barangay Sta. Lourdes kung saan naganap ang krimen.

Ayon sa panayam ng Palawan News sa kaanak ng biktima na si Joanne Jardeleza, bago pa man ito binawian ng buhay ay nakalakad pa umano ito at bumalik sa mesa at isinalaysay ang kanyang sinapit.

“Sabi niya (biktima), niyakap daw siya ng suspek tapos inundayan ng saksak sa likod, humarap daw si uncle tapos sinaksak siya sa tagiliran,” ani Joanne.

Ayon naman sa SOCCO, bukod umano sa saksak ay hinampas din ng isang bagay ang biktima base na rin sa nakitang dugo sa ulo at dibdib nito. Nabanggit pa rin diumano ng biktima bago ito binawian ng buhay na kinuha ng suspek ang P4,000 sa kanyang bulsa bago ito tumakas.

Dinala ang biktima lulan ng ambulansya sa Adventist Hospital bandang 12 :15 ng madaling araw ng Enero 30 para sa agarang lunas ngunit binawian din ito ng buhay bandang 5 :40 ng umaga.

Bago pa man nangyari ang insidente, mayroon na diumanong alitan sa pagitan ng suspek at ng biktima, ayon kay Joanne. Aniya, nagsimula ito sa pagkawala ng ilang mga gamit sa bahay at aktwal na nahuli ng biktima ang anak ng suspek na nagnanakaw ng ilang mga kagamitan. Hinala umano ng biktima, nagsumbong ang anak sa suspek dahilan upang magkadiskuyunan ang magkabilang panig. Ayon kay Joanne, hindi naging maayos ang takbo ng pag-uusap ng dalawa at dito nga’y nagbanta ang suspek na tutuldukan na ang buhay ng biktima.

Ang labi ng yumaong biktima ay dinala sa Jardeleza Residence, Bgy. Tagburos, PPC. Bagaman nahuli na ang suspek, bakas pa rin ang pagdadalamhati ng kanilang mga kaanak, ani Joanne.


You may also like...