Suspek sa droga at nakawan, timbog sa buy-bust sa San Pedro

Ang suspek na si Ragu matapos maaresto dahil sa hinalaang siya ay tulak ng droga sa Puerto Princesa. (Photo by Arphil Ballarta)


Hindi na nakapalag pa ang isang walang trabahong binata at suspek sa mga nakawan sa Abanico Road dahil sa anti-illegal drugs buy-bust operation na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Police Station 1 noong Sabado.

Kinilala ng raiding team ang naarestong lalaki na si Jun Rey Ruga, 29, na pansamantalang naninirahan sa Palatino Compound, Abanico Road, Barangay San Pedro, kung saan din siya natimbog habang nagbebenta ng pinaghihinalaang shabu sa isang police asset.

Nadakip siya bandang 5:30 ng hapon ng February 17 sa ikinasang operasyon ng SDEU sa pangunguna ng hepe ng Police Station 1 na si Police Chief Inspector Mark Allen Palacios at ng kanyang deputy na si Police Inspector Aron Rey Elona.

Ang mga nakumpiskang sachets ng pinaghihinalaang shabu mula kay Ragu, kasama ang marked money. (Photo by Arphil Ballarta)

Nakumpiska mula sa kanya ang tatlong sachets ng pinagsususpetsahang shabu, tatlong piraso ng P100 bills na ginamit bilang marked money, at isang cell phone na diumano ay gamit nito sa transaksyon sa droga.

Ayon kay Elona, gabi pa lang ng February 16 ay pinlano na ng SDEU na pasukin ang Palatino Compound. Hindi ito itinuloy dahil sa pagdududa umano ng suspek sa katransaksyon na asset ng pulisya kaya ipinagpabukas na lamang.

“Bago namin ito in-operate isinailalim namin siya muna sa background check. Kinuha namin ang mga info lalo na at kilala sya ng asset, at nalaman nga natin na aside sa nagbebenta siya ng shabu, nagnanakaw pa rin sya at dini-dispatch nya ang mga nanakaw nya,” sabi ni Elon.

Sa panayam kay Ruga, sinabi umano nitong kumukuha siya ng ibinebentang droga sa Barangay Montible na binabayaran niya sa pamamagitan ng money remittance ng isang kilalang pawnshop sa Palawan o di kaya ay kanyang inihahatid mismo.

“Dalawang beses na ako nakakakuha sa Montible at nagbabayad ako minsan sa Palawan Pawnshop. Minsan hinahatid ko doon,” pahayag nito.

Sa interview ng Palawan News, nabanggit din nito na noon ay kumukuha siya ng suplay sa isang nagngangalang Carlo sa Barangay Sta. Monica.

Ayon pa sa impormasyon na nakuha ng pulisya, si Ruga ay siyang suspek sa pagnanakaw ng laptop ng isang foreigner na nakatira din sa nasabing compound, at nakulong na ng tatlong taon sa kasong pagnanakaw din at nakalaya lamang noong March 2017.

“Sa theft kasi wala pang mag-wi-witness kaya hindi pa po masasampahan ng kaso, pero kung makakuha daw po sila sasampahan nila ng kaso,” sabi pa ni Elon.

Nasa kustodiya na ng Police Station 1 si Ruga samantalang inihahanda ang kaso laban sa kanya sa paglabag sa Section 5, Article II ng R.A. 9165 of Comprehensive Drugs Act of the Philippines.

You may also like...