Sindikato sa pagbebenta ng pekeng golden Buddha at gold bar hinuli ng CIDG


BUDDHA

PUERTO PRINCESA CITY — Hinuli ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Palawan ang sindikato na nagbebenta ng pekeng gold bar at golden Buddha sa Bgy. San Pedro, Puerto Princesa City noong ika-9 ng Abril.

Sa isinagawang entrapment operation ng CIDG sa pangunguna ni SPO2 Tony Magbanua, Jr,  ganap na 12:30 ng hapon nang magkaroon sila transaksyon sa suspek na si Raymund Rapiz, 42 taong gulang at residente ng Purok Abanico, Bgy. San Pedro.

Ipinakita sa asset ng CIDG  ang isang umano’y golden Buddha at nang ipasuri ito  lumabas na peke ito. Agad na inaresto si Rapiz samantalang ang isang nagngangalang Jeffry Yap ay nagtangka pang tumakas sa  pamamagitan ng paglangoy sa dagat subalit nahuli pa rin ito.

Napag-alam na si Rapiz ay ang tumatayong lider ng grupo at dating miyembro ng Philippine Marines. Kasama rin sa hinuli ay si Michael Torento, 42 taong gulang at residente ng Bgy. Pajo, Bataraza.

Nakuha kay Rapiz ang calibre 45 na baril na walang kaukulang dokumento.

Kakaharapin nito ang kasong illegal possession of firearms gayundin ang kasong estafa laban sa lahat ng suspek.

Ayon kay SPO2 Magbanua matagal na umanong modus operandi ng mga suspek na magbenta ng pekeng gold bar at golden Buddha. Target nila ang mga taong may pera at may negosyo.

Binabarenahan umano nila ang ibabang bahagi ng golden Buddha aat ibibigay sa bibiktimahin ang butil na nabarena para ipasuri sa pawnshop. Dahil totoong ginto ang ibabang bahagi ng Buddha, positibo ang resulta ng pagsusuri ng pawnshop. Kapag nahikayat na nila ang biktima kanila itong papalitan ngv pekeng golden Buddha.

Nakapiit ngayon sa tanggapan ng CIDG si Torento. Sina Rapiz at Yap ay nakakulong sa provincial jail dahil may dati na itong kaso na estafa dahil din sa parehong kasalanan.

You may also like...