Security Guard, patay matapos ma-kuryente sa naka-charge na cell phone sa Bgy. Tagburos

Ipinakita ng mga kaanak ng biktima sa Palawan News Team ang cell phone ng biktima na nakuryente sa Bgy. Tagburos

Dead-on-Arrival ang isang Security Guard na kinilalang si Rolan Beharang, 23 y/o, residente ng Bgy. Tagburos, Puerto Princesa noong Huwebes, Pebrero 23, matapos ma-kuryente sa naka-charge na cell phone.

Sa aktuwal na panayam ng Palawan News kina Arman Beharang (tiyuhin ng biktima) at Rosalinda Alejo (kapatid ng biktima), nag-charge umano ng cellphone (MyPhone) na basag ang screen ang biktima nang biglang itong na-ground at sa hindi sinasadyang pangyayari, na-ipatong nito ang hawak na cellphone sa kaniyang dibdib at hindi na nabitawan pa.

Ani ni Arman, nagsalita pa umano ang biktima at tinawag ang asawa nito na kasalukuyang nasa ikalawang-palapag ng tinitirhan nito. Dali-daling bumaba ang asawa niya subalit pagkahugot sa charger ay tumalsik ang biktima.

Ayon naman kay Rosalinda, agad silang tumawag ng ambulansya dahil may hininga pa ang biktima.

May tumawag ng KAAC, ang sabi busy daw, kasi nagpalit ng mayor,” ayon sa kapatid ng biktima.

Dali-daling isinakay na lamang ito sa tricycle patungong Adventist Hospital, ngunit nawalan na ito ng malay. Sinubukan pa umanong i-revive ang biktima, subalit hindi na ito pinalad na makaligtas.

Kasalukuyan namang nakahimlay ang labi ng biktima sa kanilang tahanan sa naturang barangay.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...