Salpukan ng motor at trailer truck sa Tagburos, isa ang patay

Ang nasawi ay kinilalang si Kevin Mendoza Kirks, 26, at residente ng Barangay Sta. Lourdes.


Patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang trailer truck bandang 1:55 p.m. ng March 13 sa National Highway, Barangay Tagburos.

Ang nasawi ay kinilalang si Kevin Mendoza Kirks, 26, at residente ng Barangay Sta. Lourdes. Ang driver ng trailer truck naman ay kinilalang si Rodole Seguera na residente rin ng naturang barangay.

Nadamay din ang dalawang personnel ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group na sina PO2 Kurt Fesway at PO1 Leo Sarinar na sakay ng Yamaha scooter na in-overtake ng biktima ng vehicular accident.

Ang di na mapakinabangang motorsiklo ng biktimang si Kevin Kirks na nakabanggan ang trailer truck. Makikita ang trailer truck na minamaneho ni Rodole Seguerra na nasa basakan na matapos itong mahulog dahil sa hindi na-kontrol na manibela.

Kasalukuyang ginagamot ang dalawa sa Palawan Adventist Hospital kung saan sila isinugod matapos ang aksidente.

Sa panayam ng news team kay Seguera, sinabi nito na nagulat na lang siya ng biglang sumulpot ang humaharurot na motor ni Kirks at kinain ang kanyang linya.

“Napansin ko naman po ‘yong motor, pero mabilis talaga siya dahil nag-overtake pa siya at pinilit na makalusot. Umiwas naman po ako pero di ko kinaya,” depensa ni Seguera sa sarili.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing Sta. Lourdes ang biktima papunta ng Barangay San Jose ng makasalpukan nito ang trailer truck.

Sa lakas ng pagkabunggo, agad na binawian ng buhay si Kirks, at ang dalawang maritime police ay malubhang nasugatan.

Nawalan din ng kontrol ang manibela ng trailer truck kaya nagtuloy-tuloy ito at bumagsak sa basakan sa gilid ng kalsada.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide with multiple serious physical injuries at damage to property ang haharapin na kaso ni Seguera.

Ayon kay Chief Inspector Mark Allen Palacio ng City Police Station 1, naka-detine si Seguera ngayon para sa isasampang kaso.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...