=

Pulis Puerto, huli sa pot session

Sa larawang ito na kuha ng Police Station 1, City Police Office, ay makikita si PO1 Joy Celedonio (pangatlo mula sa kaliwa) matapos siyang mahuli sa aktong nagsha-shabu sa loob mismo ng kanyang apartment. Ayon sa press release na inilabas ng CPO sa pamamagitan ni Police Senior Inspector Pearl Lamban-Marzo kagabi, si Celedonio ay naaresto sa loob ng kanyang nirerentahang apartment na nagsha-shabu kasama ang dalawang suspected users na sina Jaymar Sto. Niño at Shaolin Magallanes.


Inaresto ng mga kasamahan niyang pulis ang isang PO1 Joy Celedonio ng City PNP noong Biyernes ng gabi sa apartment na kanyang tinutuluyan sa Barangay Mandaragat habang ito kasama ang dalawa pang kalalakihan ay gumagawa ng isang pot session.

Kung matatandaan, si Celedonio ay ang pulis na ibinulgar ng isa ring suspek sa pagtutulak ng shabu na si Nathalie Chua (alyas Nathalie Niño, Nathalie Velez, at Lea) na siyang pinanggalingan ng suplay ng iligal na droga na kanyang ibinibenta.

Dati nang naaresto si Chua noong March 4 sa Pardeco, Barangay Bancao-Bancao ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng City Police Office (CPO) sa drug bust at nakuhanan siya ng kalahating gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P5,000.

Ang mga drug paraphernalia at pakete ng pinaghihinalaang shabu na nakumpiska ng mga operatiba ng pulisya mula kay PO1 Joy Celedonio. (Photo courtesy of Police Station 1)

Ayon sa press release na inilabas ng CPO sa pamamagitan ni Police Senior Inspector Pearl Lamban-Marzo kagabi, si Celedonio ay naaresto sa loob ng kanyang nirerentahang apartment na nagsha-shabu kasama ang dalawang suspected users na sina Jaymar Sto. Niño at Shaolin Magallanes.

Mismong ang kanyang hepe sa Police Station 1 na si Police Chief Inspector Mark Allen Palacio ang nanguna sa pag-aresto sa kanya matapos makatanggap ng tip tungkol umano sa shabu session mula sa isang police informant.

Magtatangka sanang tumakas si Celedonio matapos biglaang pasukin nila Palacio ang kanyang apartment, pero agad itong napigilan kasama sina Sto. Niño at Magallanes.

Nakumpiska mula sa kanya at sa dalawang kasamahan ang ilang drug paraphernalia at isang sachet ng shabu na tinatayang may timbang na isang gramo.

Si Celedonio ay isa sa tatlong pulis na itinuro ni Chua na gumagamit din ng shabu. Ang dalawa pa ay sina PO1 Bryan Jay Miday at PO1 Jerome Lee.

Tatlo naman sila sa 38 na mga pulis na isinailalim sa surprise drug test noong Linggo, March 4, ni CPO director Senior Supt. Ronnie Francis Cariaga matapos makaabot sa kanya ang resulta ng isinagawang imbestigasyon kay Chua.

Sa kanilang tatlo, si Celedonio at Miday ay nag-positibo sa drug test na isinagawa ng Crime Laboratory ng PNP sa lalawigan. Si Lee ay negatibo sa presensya ng illegal substance sa kanyang urine sample.

“He and another police officer were positively identified by Nathalie for being with her in a shabu session before the police arrived to arrest her,” ayon sa press statement.

Sa recorded investigation ni Chua na ini-release sa lokal na mga mamamahayag, sinabi mismo nito na si Celedonio na kanyang boyfriend ang nagbibigay sa kanya ng suplay para ibenta.

Kailan lang sa interview kay Cariaga, sinabi nito na tinanggalan na ng armas ang mga pulis at naka-restrict na sila sa office duty sa CPO dahil sa pagkakasangkot sa drugs.

“Immediately noong makarating sa akin ang impormasyon ay agad kong ipina-drug test sa crime laboratory itong mga nabanggit, at sa tatlo sa kanila itong dalawa ang lumalabas na may indikasyon ng drug substance after ng test,” sabi ni Cariaga.

Haharapin ni Celedonio ang paglabag sa Republic Act 9165, partikular na ang Section 6 ng Article 2 hinggil sa pagma-mantine ng drug den na may parusang “life imprisonment to death” at multa na P500,000 hanggang P10,000,000 sa sino man o grupo. (with a report from Gerardo Reyes Jr.)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...