Paulit-ulit na blackout at power shortage sa Narra, sinagot ng Paleco


Load curtailment at pag-aayos ng mga linya at kagamitan sa Puerto Princesa ang dahilan ng paulit-ulit na blackout at kakulangan sa suplay ng kuryente sa Narra, ito ang paliwanag ng Paleco sa Sangguniang Bayan ng munisipyo sa isang sesyon kahapon, Mayo 29.

 

Panauhin si Paleco Narra Sub-Office Manager Edward Enano sa nasabing diskusyon kasama ang mga lokal na mambabatas ng Narra, kung saan inulan ang una ng mga katanungan at hinaing tungkol sa problema sa kuryente.

 

Ayon kay Enano, sapat naman dapat umano ang kasalukuyang 69-watt na power supply mula sa mga providers para sa Narra, subalit naapektuhan umano ang nasabing bayan ng isinasagawang load curtailment sa Puerto Princesa. Dagdag pa rito, kinailangan din umanong punan ng Paleco Narra ang suplay ng kuryente sa mga karatig-munisipyo gaya ng Quezon at Brooke’s Point.

 

Ipinaliwanag din ni Enano na kanila namang tinutugunan ang mga hinaing ng mga purok at barangay sa Narra, gaya ng pagkakabit ng kuryente sa Calategas , Carañiogan at Panacan. Ibinahagi din nito ang pangako ng Paleco Narra na magpadala ng sulat sa National Electrification Agency para sa pagsasaayos ng mga linya ng kuryente sa nasabing munisipyo.

 

Kasalukuyan umanong nasa 80% ng kabuuang bilang ng barangay sa Narra ang mayroon nang kuryente, at ginagawan na umano ng Paleco Narra ng paraan para mabigyan ng kuryente ang natitirang 20%.

 

Nagtapos ang nasabing talakayan sa pagpasa ng mga mambabatas ng isang resolusyon para matutukan ang mga proyektong pa-ilaw sa buong bayan ng Narra. Sa pangunguna ni Board Member Clarito Prince Demaala IV, nilalayon ng nasabing proposal na mabigyan ng kuryente ang mga purok sa Panacan, Malinao, Calategas, Batang-Batang, Aramaywan, at iba pang lugar na hindi pa rin naabot ng serbisyo ng Paleco hanggang ngayon.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.