Pamahalaang lungsod, aaksyunan ang peligro sa Nagtabon Beach

Photo: travelingbydefault.blogspot.com

Inimbita sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ngayong Lunes, Marso 13, ang ilang kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor na may kaugnayan sa turismo sa Nagtabon Beach para pag-usapan at maresolba ang mga isyu sa nasabing lugar. Kabilang sa mga dumalo ang City Tourism Office, City Planning and Development Office, Business Permit and Licensing Office, City Risk Reduction Management Office, resort owners sa Nagtabon at ang barangay chairman ng Bacungan.

Ayon kay Bacungan Chairman Gualberto Manaeg, dahil sa sunod-sunod na kaso ng pagkalunod sa nasabing destinasyon ay naglagay na sila ng mga tanod na magpapaalala sa mga tao na mag-ingat sa paglangoy lalo na kapag masama ang panahon.

Sinabi naman ng konseho na hindi sapat ang nasabing hakbang at kinakailangan na maglagay ng mga Life Guards na may sapat na pagsasanay para sa pagbabantay sa lugar.

Napag-alaman din mula kay Licensing Officer Aurea Pallaya na ang mga istruktura sa Nagtabon Beach ay walang kaukulang ‘building permit’ maliban sa Caroline Secret Resort. Dagdag pa ni Pallaya, maraming paglabag sa batas ang naoobserbahan sa lugar, kasama na ang tamang pagtapon ng basura.

Ayon naman kay City Planning Officer Jovenee Sagun, ang Nagtabon Beach ay isang ‘turtle nesting site’ base sa isang pag-aaral kaya aniya ay dapat pag-igihin ang pamamahala sa lugar. Iminungkahi rin ni Sagun na magsumite na ng kaukulang dokumento ang mga may-ari ng mga istruktura sa lugar para malaman ng mga ito ang mga ipinagbabawal sa lugar.

Inilapit naman ng konseho sa pamunuan ng CDRRMO ang pagsasagawa ng mga hakbang para masiguro ang kaligtasan ng mga pumupunta sa Nagtabon. Ayon kay CDRRMO Head Earl Timbancaya, maglalagay sila ng mga paalala sa baybayin maging sa mismong parte ng tubig kung saan nagkakaroon ng ‘riptide’.

Magkakaroon din umano ng Water Search and Rescue at mga kaugnay na pagsasanay sa mga life guards na itatalaga sa Nagtabon ngayong Abril. Mayroon na rin diumanong proposal para sa pagtatayo ng isang Satellite Clinic sa lugar para sa mga biglang pangangailangan ng mga bumibisita.

Nagpapaalala naman ang Punong Barangay Manaeg sa mga nagbabalak bumisita sa lugar na “sumunod na lang sila sa mga paalala para maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari habang isinasaayos ang lugar”.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...