Palawan una sa dami ng naaresto sa droga sa MIMAROPA

Drug paraphernalia

Nangunguna ang lalawigan ng Palawan sa may pinaka-maraming bilang ng mga naarestong tao na sangkot sa iligal na droga sa buong rehiyon ng MIMAROPA.

Batay sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency sa MIMAROPA simula noong buwan ng Enero hanggang Agosto ngayong taon ang Palawan ay nakapagtala ng 68 mga naarestong indibidwal. Kabilang sa bilang na ito ang nahuli lungsod ng Puerto Princesa. Karamihan sa mga nahuli ay mga “high value targets” ng PDEA sa lalawigan.

Sumusunod sa Palawan ay ang Oriental Mindoro na nakapagtala ng 33 tao; Marinduque, 15 tao; Calapan City, 14 tao; Occidental Mindoro, 7 tao at Romblon, 2 tao.

Ayon kay Gracel Lano,information officer ng PDEA MIMAROPA, hindi nangangahulugan na kapag maraming nahuhuli ang mga otoridad na ganitong kaso ay posibleng mataas ang bilang ng mga nagtutulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dito sa lalawigan.

“Hindi po natin masasabi na dahil sa maraming isinagawang operation sa isang lugar o sa isang probinsiya ay mataas na ang drug cases. Maaari  na isa itong indikasyon na sa Palawan ay maraming talagang sumusporta sa anti-illegal drug campaign, marami ang nagbibigay ng impormasyon at masisipag ang ating operatiba kaya nagsasagawa ng maraming anti- illegal drug operations,” ayon kay Lano.

Maliban sa PDEA  may mga binuong grupo na nagtutulungan para malabanan ang iligal na droga katulad ng Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Task Force Banat, City Police AIDSOFT, Walis Sagasa at CIDG Palawan.

You may also like...