Palawan matatag pa rin laban sa lindol ayon sa MGB

Municipal Hall of Bataraza, Palawan (Photo:ph.geoview.info)

Naniniwala si Mines and Geosciences Bureau Regional Director Rolando De Jesus na imposibleng makaranas ng lindol ang Palawan dahil sa pagiging stable ng geological status nito.

Ito ay sa kabila ng tatlong magkakasunod na naranasang pagyanig sa munisipyo ng Bataraza, Palawan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Palawan News kay Director De Jesus, sinabi nitong base sa pag-aaral ng mga geologists, sa buong Pilipinas, isa ang Palawan na ligtas sa anumang pagtama ng lindol.

“Nakapagtataka lang na may ganyang nararamdaman sa Bataraza, kasi geologically stable ang Palawan.” ayon kay De Jesus.

Sa usapin naman ng pagmimina, sinabi ni De Jesus na hindi gumagamit ng pasabog sa proseso ng nickel mining. Sa bayan ng Bataraza matatagpuan ang Rio Tuba Nickel Mining Corporation at paag-quarry ng limestone sa Sitio Gotok, Bgy. Rio Tuba.

Kinumpirma ni De Jesus na may limestone mining na ginagamitan ng pasabog, pero ito ay controlled blasting.
“Sa Gotoc sa Bataraza, may limestone na ginagamitan niyan pero kontrolado ito, at malayo ang Gotoc sa Poblacion area,” ayon pa kay De Jesus.

Gayunpaman, iginiit nito na dapat magsagawa ng imbestigasyon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa lugar para matukoy ang dahilan ng mga pagyanig.

Ngayong hapon lang, bandang alas 3:51, muling niyanig sa ikatlong pagkakataon ang Poblacion area ng Bataraza, ngunit hindi pa matukoy ang sanhi nito.

Ayon sa PHIVOLCS, base sa naitala ng kanilang station sa Puerto Princesa at Brooke’s Point, umabot sa intensity 3 ang pagyanig.

Magsasagawa ng site investigation ang mga seismologists ng PHIVOLCS Central Office pero wala pang katiyakan kung kalian ito sisimulan.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...