=

Pagsunog sa lantsa sa Balabac sinadya


Sinadya ang nangyaring sunog na tumupok sa isang lantsa habang naglalayag sa karagatan ng Balabac noong Huwebes ng hapon.

Batay sa ulat ng Balabac Municipal Police Station, nangyari ang sunog sa lantsang M/L Francia habang ito ay nasa tapat ng Lumbucan Island. Ito ay naglalayag mula sa Mangsee at patungo sana ng Bancalaan, Balabac.

Sinabi ni Police Chief Inspector Alonzo Tabi, spokesman ng Palawan Provincial Police Office, sa ginawang imbestigasyon ng Balabac Police, alas-tres ng hapon noong Huwebes nang sumiklab ang sunog mula sa engine room ng lantsa.

.Nakita umano ng mga sakay ng lantsa na kasabay halos ng pagsiklab ng apoy ay ang biglang pagtalon sa dagat ang suspek na kinilalang si Absal Sali Asrad.

Sinubukan umanong apulain ang apoy ng mga crew at pasahero ng lantsa subalit mabilis ang paglaki nito kaya walang nagawa ang mga ito kundi tumalon sa dagat upang iligtas ang kanilang sarili.

Ganap na 5:30 ng hapon nang nagresponde ang Philippine Navy sa pangunguna ni Lt. Kiram Tabada at Ensign Billy Jay Acana. Labindalawang crew at mga pasahero ng lantsa kabilang na ang mismong may-ari na si Faldon Parian Cabugatan ang nailigtas.

Ang suspek na si Absal Sali Asrad ay na rescue rin at inaresto ng Philippine Navy sa layong 1.5 nautical miles mula sa lantsa na nasunog.

Lulan din ng lantsa ang mga paninda na mga lansones at iba pang prutas.

Sinabi ni Chief Insp. Tabi na base sa imbestigasyon ng Balabac PNP, away sa pamilya ang motibo ng suspek sa pagsunog ng lantsa.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.