Operasyon ng HPG sa Brooke’s Point, inungkat

(File photo)


Kinwestyon ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point ang nakasaad sa police report ng Highway Patrol Group Team-4B (HPG) na ang dahilan ng kanilang operasyon ay agresibong kampanya laban sa motorcycle riding suspects (MRS) o gun-for-hire gang pero nauwi sa pag-impound ng 36 na motorsiklo na may violation sa batas trapiko ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Kgd. Georjalyn Abarca, kahit na legal ang basehan ng paniningil ng penalty ng LTO sa mga violators, kapansin-pansin na taliwas sa talagang pakay ng HPG sa pangunguna ni Chief Insp. Ariel Abanto ang kanilang naging operasyon.

“Sa report nila, nakalagay na dahilan ng kanilang operation ay  aggressive campaign against MRS or gun-for-hire gang pero nag-resulta ng panghuhuli sa 36 motorcycles na may ilang paglabag sa batas trapiko,” sabi ni Abarca kay SPO4 Jo Lumilay.

Hindi naman nasagot ni SPO4 Lumilay ang katanungan dahil umano ay nakipagtulungan lamang sa ginawa ng HPG.

Batas nasyunal aniya ang ipinatupad ng mga ito at hindi ordinansang sumasaklaw sa naturang bayan. Idinagdag pa ni SPO4 Lumilay na tanging HPG lang ang makakasagot sa tanong at komento dahil sila rin ang gumawa ng report.

“Ginagawa lang po namin ang saklaw ng trabaho namin katulad ng pagpapatupad ng mga ordinansang meron tayo, pangangalaga sa kapayapaan, maging ang responsibilidad sa pagbabantay ng mga motorsiklong naka-impound sa himpilan, at iba pa. Kasi kapag may isang nawala sa mga  motorsiklo ay pananagutan pa namin. Kaya ang iba pong katanungan tulad nito ay Highway Patrol mismo ang makakasagot,” ni SPO4 Lumilay.

Samantala, aminado naman si SPO4 Lumilay at maging ang mga Sangguniang Bayan na nagkulang sila sa pagbibigay ng impormasyon patungkol sa mga batas trapiko at parusang nakalaan sa bawat lalabag.

Sa huli ay napagkasunduan ng lahat na magtulungan na lang upang magkaroon ng information dissemination.

“Magpapagawa tayo ng mga tarpaulin na nakasaad ang pinakabuod ng R.A. 4136 (Land Transportation and Traffic Code) na ipinapatupad as national law. Ipapaskil natin sa mga matataong lugar para  malaman  ng lahat nating kababayan at maging aware sila sa batas para hindi na maulit ang mga pangyayari ” pahayag naman ni Kgd. Arturo Ferraris, ang chairperson ng Committee on Transportation.

Kaugnay nito,  nais namang magpasa ng resolusyon ni Abarca sa susunod ng sesyon ng Sanguniang Bayan upang maponduhan ang info drive bilang urgent action sa hinaing ng mamayan.

“Magpapasa tayo ng resolusyon requesting the local executive to allocate funds for the printing of signages and posters na naglalaman ng common violations sa R.A. 4136 joint Administrative Order 2014-01 informing the constituents for the traffic violation and Local Ordinance,” pahayag niya.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...