Nurse, ex-barangay kagawad, huli sa buy-bust operation

Ang mga suspek na sina Edgar Allan Pagayona, (kaliwa) 37, at nagtatrabaho umano bilang nurse sa isang call center, at si Rex Sulayao (kanan) na dating kagawad sa Barangay Sicsican.


Isang nurse ng call center at isang dating barangay kagawad ang magkasunod na dinakip ng mga otoridad sa undercover operations na ikinasa ng City Police Office (CPO) noong Sabado, February 10.

Nadakip ang dalawang suspek na sina Edgar Allan Pagayona, 37, at nagtatrabaho umano bilang nurse sa isang call center, at si Rex Sulayao na dating kagawad sa Barangay Sicsican.

Ang magkasunod na operasyon ay isinagawa sa Abad Santos Street, Barangay Maunlad, at sa isang bahagi ng Rizal Avenue.

Unang naaresto si Pagayona sa drug buy-bust na ikinasa ng Police Station 1 katuwang ang anti-criminality task force ng city government bandang alas 5 ng hapon.

Nakumpiska sa kanya ang isang pakete ng pinaghihinalaang shabu at apat na piraso ng diumano ay pekeng 100 peso bill, isang Nokia cell phone, at ang kanyang motorsiklo.

Sinundan ito ng isa pang buy-bust operation bandang alas 7 ng gabi kung saan natiklo si si Sulayao. Nakuha sa kanya ang isa ring pakete ng pinaghihinalaang shabu at iba pang gamit.

Ayon kay Police Chief Inspector Mark Allen Palacios, hepe ng Police Station 1, magpapatuloy ang kanilang mga gagawing operasyon kontra droga hangga’t may mga patuloy na lumalabag sa Comprehensive Drugs Act.

“Hindi kami titigil hangga’t may mga taong nagtutulak at gumagamit ng bawal na droga. Wala pa rin kaming sasantuhin kahit sino pa sila. Ang mahalaga, ginagampanan namin ang aming tungkulin sa mga mamamayan,” pahayag ni Palacio.

Agad na dinala ang dalawang suspek sa detention center ng pulisya kung saan sila pansamantalang mananatili dahil sa diumano ay paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165.

Ang mga pakete ng pinaghihinalaang shabu ay isusumite naman sa laboratory testing.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...