Sa Ngalan ng Wika


Noong nakaraang patimpalak ng Miss Universe dito sa atin ay naging mainit ang usapan tungkol sa paggaamit ng interpreter o tagasalin ng wika para sa question-answer portion. Anong wika ba ang mas panalo? Makababawas ba ng puntos kung ang gagamiting wika ay sarili lamang at hindi yaong masasabi nating international language? Ano nga ba naman ang dating kung ang gingamit na wika ay English? O Español? O kaya, ano ang isyu kung Filipino ang gagamitin? Maging sa pangkaraniwan nating pananalita, ano ang impresyon sa isang taong Inglesera? Ano naman ang sa isang nilalang na ang gamit ay sariling wika?

Alalaongbaga na minsan ang wika ay nagiging status symbol na rin. O kaya, ito’y nagiging gamit na rin para sa pagmamataas laban sa kapwa. Minsan pa nga nagiging mapang-alipin ang pananalita. Nakakalungkot. Hindi ito ang tunay na pakay ng wika. Hindi ba pag-ugnayin ang tunay na dahilan kung bakit merong wika? Ang wika ay biyaya upang pag ugnayin ang nagkakahiwalay. Ito ay gamit para sa pagpapayaman ng pakikipagkaibigan. Ito rin ay tulay tungo sa malalim pang pag-uunawaan at pagmamalasakitan ng iba’t-ibang lahi.

Sadyang napakaraming isyu patungkol sa wika. Iilan lamang marahil ang kaya nating maarok. O marahil, ang iilan lamang na ito ay syang may kinalaman sa ating pamumuhay.

Natatangi ang ating bansa sa dami ng kanyang wika (135 ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino). Biro minsan na aking kaibigang Español ay, “kung gaano karami ang isla sa Pilipinas ay ganun din ang bilang ng wika.” At kung napakaraming wika, paano ba ang magkakaintindihan? Labo-labo na lang? At sa mga ito, alin dito ang maituturing na “languages” at alin naman ang “dialects”? Pero bakit kailangan pang ibalangkas bilang language or dialect? Hindi ba mas mainam na iisa na lang at ang tawag sa lahat ay – wika?

Tulad ng maraming bagay, ang wika ay meron ding sariling pag-inog. May mga salita na maituturing ng luma at hindi na kadalasan nagagamit. At may mga kataga din naman ngayon na dati ay wala pero nagagamit na ngayon. O kaya, may mga salita na ganun pa rin naman pero iba na ang pakahulugan. At maraming salita na banyaga na ngayon ay mas palagian ng nagagamit kesa sa lokal na kataga. Halimbawa, kailan nating huling narinig ang “bangerahan’? “Hard ka sa akin”, “grabe sya oh”, o “anong ganap?”, “beshy”… dati ay hindi naman natin naririnig ang mga ito. At, mas karaniwan na ngayon ang nagsasabing “Wait lang” kesa sa “Sandali lang.” Ano na nga ba ang ibig sabihin ng “bato”? Minsan matigas, minsan ito ay pagkayamot, minsan naman ay bawal na gamot. Ano nga ba at saan galing ang salitang “salasyos” at ito’y naging isang palamuti sa katawan sa mga taga-Cuyo? Ang mga ito ay nagpapatunay na ang wika ay nagbabago dahil sya ay may sarili ring buhay.

Sa aking klase, lagi kong sinasabi na kapag kayo ay nagsalita sa umpisa ng English siguraduhin na matatapos din ito sa English. Kung Tagalog naman sa simula ay Tagalog din hanggang dulo. Paano pag Taglish? (Spanglish?) Sa aking palagay, ang ibig sabihin ng Taglish ay hindi mo gamay ang pananagalog at kulang ka rin sa husay sa English kaya pinaghalo na lamang. Saan ba makakarating ang Taglish? Sa tingin ko ay wala. Ang kailangan nga ngayon ay “globish”. Ibig sabihin, mas mainam na sa pagbibitaw ng salita ay nakakaunawa ang buong mundo (global). Sino nga kaya ang makakaunawa kapag nasanay na lamang sa Taglish? Mas mainam pa rin ang sariling wika.

Ngunit hindi pa rin sapat ang pananalita lamang sa sariling wika. Hindi ito ang sukatan ng pagmamahal sa wika o kaya pagmamalasakit sa bayan. Si Gat Jose Rizal ay sanay sa wikang banyagang. Ang kanyang mga sinulat ay pawang Español. Ngunit, hindi kita kabawasan sa kanyang pagiging makabayan. Sa kabilang banda, marami rin naman ang matatas sa pananalita ng ating sariling wika pero naging taksil naman sa ating bayan. Kaya, maaring sabihin na ang tunay na pagmamahal sa wika at sa bayan ay hindi lamang mapagpaimbabaw. Ito ay nararapat na magmumulsa sa kaibuturan ng puso.

Sinasabi na (tayo ba ang may sabi o ang iba?) ang mga Pilipino raw ay madaling makapagsalita ng wikang banyaga. Nakakapagsalita na parang natural at hindi banyaga. Sa iba’t ibang bansa magaling magsalita – Spanish, Chinese, German, English, Japanese, Korean, Hebrew, Greek, atbpa. Ang mga migrante nating mga kababayan ay napakahusay sa hiram na wika. With matching slang at twang pa raw yun, ‘ika nga. Malambot daw ang ating dila kaya ganun. Hindi ba ito rin ay pagkalambot ng puso kaya madali ring makisama sa salitang banyaga at iba’t- ibang lahi? Pero paano kapag sa sarili nating kalahi? Magaling din ba tayo sa pakikisama? At malambot din ang dila? Sabi ni Nelson Mandela, “If you talk to a man in a language he understands, that goes to his head. If you talk to him in his own language, that goes to his heart.” Marahil nga, ang higit na nangungusap sa ating mga Pilipino ay ang ating puso higit pa sa ating bibig.

Dahil ang panahon at mundo sa ngayon ay tinatawag na bilang “global village”, mainam nga raw na mas maganda kung maraming alam na wika (advantage). Ayon nga kay Charlemagne, “To have another language is to possess a second soul.” Pero sa papapaanong paraang ito ay nagiging advantage? Anu-ano ang garantiya nito? At advantage para kanino? At para sa ano? Ang kaunlaran ba ay dulot ng advantage ng pagasasalita ng maraming wika? E di sana’y maituturing na linguist ang pinakamayaman na tao sa Forbe’s list. Pero hindi naman siya polyglot. Ano nga ba ang mas mahalaga? Ang marami kang alam na wika? Mahusay sa pagsasalita ng wika? O, ang marunong gumamit ng wastong wika? ….

Para sa makabuluhang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at sa ngalan ng wika…. Mabuhay!

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...