Nakita na ang nawawalang pangalan ng isang mayoralty contender sa Roxas


Naisama na sa certified list of candidates (CLC) na pinalabas ng Municipal Commission on Elections (COMELEC) sa Roxas ang pangalan ng isang mayoralty candidate na pumalag matapos hindi mapabilang ang kaniyang pangalan sa unofficial list na ibinahagi sa local media.

Sa natanggap na kopya ng CLC ng PALAWAN NEWS kahapon mula sa local election office ng Roxas, base sa alphabetical order, pang-apat si Ma. Elizabeth D. Sabando sa listahan ng mga kumakandidato sa mayoralty position.

Pero una na dito, kinuwestyon niya ang hindi pagkakatala ng kanyang pangalan sa listahang una at ikalawang ipinasa ni OIC Election Officer Carlito Sumandal sa Provincial COMELEC gayong may mas nahuli pa umano sa kanyang naghain ng kandidatura.

Sentimyento ng kampo ni Sabando, maaaring mag-resulta umano ang kapabayaan sa demoralisasyon ng mga botante o ng kanyang mga supporters sa Roxas.

“Nangangamba po tayo dahil baka ikalito ito ng mga kababayan natin sa Roxas,” pahayag ni Sabando.

Tila napahaba pa ang usapin nang makatanggap ng impormasyon ang kampo ni Sabando mula sa isang source na nagsabing naiwan umano ang kanyang COC sa opisina ng Municipal COMELEC at ipinahabol na lamang ito na maipasa sa Provincial Election Supervisor’s Office dahil naiwan sa opisina.

Pinabulaanan naman ito ni Sumandal sa panayam sa kanya. Ipinaliwanag niya na sabay-sabay niyang ipinadala ang mga pangalan ng kandidato sa isang listahan sa Provincial COMELEC.

“Lahat po naipa-receive ko sa COMELEC, at ang nag-receive nito si Mr. Ching Reynoso. Nag-file si Elizabeth Sabando, naisama din doon ang COC niya,” pagtitiyak ni Sumandal.

Humihiling naman ngayon ang kampo ni Sabando na sana’y hindi na maulit ang pangyayari lalo na sa panahon ng mismong halalan sa 2016.

Muling maglalaban sa mayoralty race sina incumbent Mayor Angela Sabando at si Elizabeth Sabando na magkamag-anak. Si Elizabeth kasi ay malapit na kamag-anak ng asawa ni Angela.

You may also like...

1 Comment

Add a Comment

Your email address will not be published.