Motorista, patay matapos bumangga sa kasalubong na van


Dead on arrival ang isang motorista matapos bumangga ito sa kasalubong na pampasaherong shuttle van sa kahabaan ng South National Highway sa Barangay Luzviminda noong Lunes, April 9.

Nakilala ang biktima na si Marcelino Villamor na nagmamaneho ng motorsiklong Rusi, at ang suspek naman diumano ay nagngangalang Dennis Cardijon.

Ayon sa imbestigasyon ng Police Station 1, galing si Villamor sa Aborlan papunta ng Puerto Princesa ng mabangga ito ng shuttle van sa pakurbadang daan sa Luzviminda.

Dahil sa parehong may kabilisan ang takbo, hindi nagawang makaiwas ng dalawa sa aksidente.

Sabi ni Cardijon, mabilis daw ang patakbo ni Villamor kaya ito bumangga sa kanya.

“Bale, nakita ko na po siya kaagad tapos pagkarating ko sa kurbada, nakita ko pong nag-overshoot po siya. Pagkabig niya sa manibela, napa-sobra po hanggang sa mapunta siya sa linya ko. Iniwasan ko pa rin pero wala talaga, sumalpok pa rin siya sa amin,” kuwento ni Cardijon.

Kusang loob na sumuko si Cardijon sa pulisya matapos ipaalam ang insidente. Maaari siyang maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

You may also like...