Mga residente sa paligid ng Gotok Quarry walang naramdamang lindol


Walang naramdamang lindol ang mga residente sa Sitio Gotok, Bgy. Ocayan, Bataraza, Palawan sa kabila ng malapit na distansya nila sa limestone quarry operation ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation.

Ang limestone quarry operation ay kailangang gumamit ng pampasabog upang madurog ang malalaking tipak ng limestone. Ang limestone ay napaka-halagang elemento sa pagproseso ng nickel ore ng Coral Bay Nickel Corporation sa Bgy. Rio Tuba.

Ayon sa mga residente na nakapanayam ng Palawan New,s ang pagpapasabog ay ginagawa ng kompanya sa takdang araw at oras at ito ay may paunang abiso sa mga residente.

Ayon sa kanila, sa mga oras na nagkaroon ng lindol sa Bataraza, wala umanong pagpapasabog na ginawa ang kompanya.

Dahil sa nangyaring lindol, isang matingkad na tinuturong dahilan ay ang pagmimina sa Bgy. Rio Tuba ng RTNMC subalit ayon sa mga residente, kung galing sa mina ang lindol bakit hindi nila ito naramdaman sa kabila ng lapit nila sa operasyon ng minahan.

Ang lindol sa Bataraza ay naramdaman lamang sa mga barangay ng Inogbong, Marangas, Bono-bono, Malihog, Bulalacao at Iwahig.

Ayon kay Dr. Carlo Arcilla ng National Institute of Geological Sciences ng University of the Philippines walang gawain ng tao ang maaaring lumikha ng lindol.

“No human activity would be able to create an earthquake kasi kailangan ng napakalakas na energy upang mangyari ito,” ayon kay Dr. Arcilla.

Sinasabi ni Dr. Renato U. Solidum, hindi nangangahulugan na walang fault line sa Palawan ay wala nang mararanasang lindol. Bagama’t ang lindol aniya ay hindi madalas na maramramdaman hindi nangangahulugan na na wala nang mararanasa.

Ang lindol ay naranasan na sa mga bayan ng Coron, Cagayancillo, Cuyo at Balabac.

Sa ulat na nailathala sa Philippine Star noong ika-18 ng Marso 2013, nagkaroon ng lindol na may magnitude na 4.4 saa bayan ng Balabac ng araw na ito ayon sa ulat ng PHIVOLCS.

Ang lindol ay tumama 14 kilometro timog-silangan ng Balabac dakong 2:21 ng umaga. Ito umano ay dahil sa lindol na nangyari sa Sabah, Malaysia

Sa artikulong isinulat ni Blanche Rivera sa Philippine Daily inquirer, nakasaad na ang isla ng Palawan ay matatagpuan sa pagitan ng Mindoro at Borneo at ito ay halos walang “fault”.

Ang “fault” ay bitak sa mga bato na gumagalaw habang umiikot ang ating mundo. Kapag malapit sa isang fault line ang isang lugar mararamdaman ang madalas na lindol o paggalaw ng lupa.

Bagama’t ang mga geologist at mga scientists ay nagsasabi na ligtas sa earthquake ang Palawan, ito ay hindi nangangahulugan na wala nang lindol na mararanasan.

Maraming teorya na nabubuo sa kaisipan ng marami, subalit sinasabi ng PHIVOLCS na hintayin na lamang ang resulta ng kanilang pag-aaral.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...